^

Metro

Mga guro, estudyante sa nagsarang iskul, tutulungan ng DepEd

Mer Layson - Pilipino Star Ngayon
Mga guro, estudyante sa nagsarang iskul, tutulungan ng DepEd
Ang mga magulang at mag-aaral sa nagsarang Colegio De San Lorenzo sa Quezon City na nakapila sa pagkuha sa kanilang rekords at credentials, maging sa kanilang mga naibayad na matrikula na dapat ay para sa School Year 2022-2023. Kinuwestiyon nila ang biglaang pagsasara ng paaralan kung saan ilang araw na lamang at magbubukas na ang klase.
Jesse Bustos

MANILA, Philippines — Tiniyak ng Department of Education (DepEd) na tutulu­ngan nila ang mga estudyante at mga guro na labis na naapektuhan sa biglaang pagsasara ng Colegio de San Lorenzo, sa Congressional Avenue, Quezon City.

Nauna rito, ipinatawag ng pamunuan ng naturang paaralan ang kanilang mga estud­yante, kasama ang kanilang mga magulang at guardians, sa isang student’s assembly kamakalawa at inianunsiyo ang malungkot na balita ng kanilang permanenteng pagsasara dahil sa problemang pinansiyal na dulot ng CO­VID-19 pandemic at mababang bilang ng enrollees nito.

Pinalagan naman ito ng mga magulang at mga estudyante, partikular na ang mga graduating students, na nabigla sa pangyayari.

Giit nila, hindi sila nabigyan ng pagkakataon upang mapag­handaan ito.

Humihiling din ang mga ito sa paaralan na magdaos na lamang ng online classes para sa kanilang mga graduating students at inaasahang malalaman ang desisyon ng paaralan hinggil dito sa mga susunod na araw.

Sa isang panayam naman sa telebisyon, inamin nina DepEd spokesperson Michael Poa at Commission on Higher Education (CHED) Chairperson Prospero de Vera III, na maging sila ay nagulat sa biglaang pagsasara ng naturang paaralan.

Ayon kina Poa at de Vera, hindi humingi ng permiso at hindi rin sila inimpormahan ng Colegio de San Lorenzo hinggil sa intensiyon nitong permanente nang magsara.

Ani Poa, ang naturang educational institution ay nagkaroon ng “voluntary closure,” sa ilalim ng Section 43 ng DepEd Order (DO) 88 s. 2010.Tiniyak rin naman ni Poa na tutulungan ng DepEd ang mga estudyante ng kolehiyo na maghanap ng mga paaralang maaaring lipatan ng mga ito, lalo na at magsisimula na ang School Year 2022-2023 sa Lunes, Agosto 22.

Sa isang mensahe naman sa mga reporters, sinabi ni Poa na mayroon nang isang pribadong paaralan sa Quezon City, na may parehong tuition rate sa Colegio de San Lorenzo, ang nagpahayag na ng kahandaan na i-absorb ang mga estud­yante, partikular na ang nasa Grades 11 at 12.

Umaasa rin siya na marami pang mga paaralan ang tutulong sa mga naturang apektadong estudyante.

Nanawagan din si Poa sa Colegio de San Lorenzo na madaliin ang pagpapasilidad ng transfer of records ng kanilang mga estudyante, gayundin ang pagre-refund ng tuition fee ng mga estudyanteng nakapag-enroll na para sa SY 2022-2023

Aniya pa, ang mga guro naman na nawalan ng trabaho dahil sa pagsasara ng paaralan ay dapat na makatanggap ng separation pay, alinsunod sa Section 84 ng nasabing DO.

Pag-aaralan din aniya ng DepEd kung ano pa ang mga tulong na maaari nilang ipagkaloob sa mga naturang teaching personnel. — Angie dela Cruz

DEPED

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with