^

Metro

2 empleyado ng Makati LGU, nabuko sa karnap, kinasuhan

Danilo Garcia - Pilipino Star Ngayon

Motorsiklo tinangay sa impounding area

MANILA, Philippines — Sinampahan ng kasong carnapping ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dalawang empleyado ng Pamahalaang Lungsod ng Makati makaraang tangayin ang isang big bike na nasa impounding area ng traffic unit ng lokal na pamahalaan.

Dagdag na kasong obstruction of justice rin ang isinampa ng NBI sa Office of the Ombudsman laban kina Anselmo Atienza, dating officer-in-charge ng Impounding Unit at nakatalaga sa Makati City- Public Safety Department (PSD) at Reynaldo Ponce, nakatalaga naman sa Makati City-General Services Department.

Ayon kay NBI OIC-Director Eric Distor, dumulog sa kanila ang may-ari ng Honda big bike na nagreklamo sa dalawang suspek.  Isinalaysay niya na nahuli siya sa isang traffic violation  sa Makati City at na-impound ang kaniyang motorsiklo sa impounding compound sa Urban Street, Brgy. Pio del Pilar, ng naturang siyudad.

Nang magkaroon na siya ng tsansa na tubusin ang sasakyan ay hindi na ito makita.  Kamakailan, nakatanggap ng impormasyon ang complai­nant sa kinaroroonan ng kaniyang motorsiklo kaya agad na siyang nagtungo sa NBI para magpatulong.

Nagkasa ang mga tauhan ng NBI-Anti Graft Division ng ‘surveillance operation’ at nakumpirma ang kinaroroonan ng sasakyan.  Nilusob ng mga operatiba sa bisa ng search warrant mula sa Lemery, Batagas Regional Trial Court ang isang bahay na pag-aari ni Atienza sa Bauan-San Luis Road sa Brgy. Taliba, San Luis, Batangas na nagresulta sa pagkakarekober sa naturang big bike.

Depensa ni Atienza, nakasama umano sa subasta ng mga hindi natutubos na motorsiklo ang big bike.  Binili umano niya ang big bike na nasa ‘scrap condition’ sa nanalong bidder.  Pero sa imbestigasyon ng NBI, natuklasan na hindi kasama ang big bike sa sinasabing subasta at peke ang ‘delivery receipt’ na ipinakita ni Atienza.

Kasamang sinampahan ng kaso si Ponce na nakialam at humarang umano sa NBI para agad na maaresto si Atienza.

NBI

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with