^

Metro

4 na yate ng Chinese, nasabat ng Coast Guard

Danilo Garcia - Pilipino Star Ngayon

MANILA, Philippines — Isinailalim sa kustodiya ng Philippine Coast Guard (PCG) ang apat na yate na nakadaong sa Manila International Container Terminal (MICT) Private Pier sa Maynila nitong Huwebes ng hapon.

Sa ulat ng PCG kaha­pon, tinukoy nila ang mga nasabat na yate na may pangalang Yue Hai Ming Zhu (26.59 metrong yate), Gu Cheng Gang Guan (14.15 metro), Le Boss (20 metro), at Yuzhen 8 (16.76 metro).

Nabatid na nakatang-gap ng ulat ang PCG ukol sa kahina-hinalang mga yate na nakadaong  sa Pier  noon pang Agosto 18. 

Agad na nagsagawa ng koordinasyon ang PCG para inspeksyunan ang mga sasakyang-pandagat.

Dakong alas-2:20 nitong Huwebes ng hapon nang magtungo ang mga tauhan ng PCG sa MICT sakay ng PCG Metal Shark at PCG Aluminum Boat at nakumpirma ang presensya ng mga yate.

Sakay ng mga yate ang anim na Pilipinong crew na kinilalang sina Angelo Casimero, kapitan ng Yue Hai Ming Zhu yacht; Jerryco Magno, kapitan ng Le Boss yacht; Rio Mar Hormillosa, Albert Casimero; Christian Joy Blancaflor; at Banadicto Calinayo.  Sinabi nila na galing sila ng Boracay habang wala namang maipakitang kaukulang mga dokumento.

Dakong alas-3:30 ng hapon nang isang Filipino-Chinese na si Cristo Uy ang dumating at nagpakilalang corporate secretary ng korporasyon ng bumili ng mga yate. Sa kabila nito, hindi rin siya makapagpakita ng dokumento ng legalidad ng mga yate.

Dahil dito, isinailalim ng PCG sa kanilang kustodiya ang mga yate dahil sa posibilidad na mga puslit ito.  Nakatakda rin silang gumawa ng official report para hilingin na magpalabas ang Customs District Collector ng Port of Manila ng Warrant of Seizure and Detention (WSD) para sa mga yate.

 

 

COAST GUARD

Philstar
  • Latest
Latest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with