98% ng natanggap na bakuna, naipakalat na sa NCR, iba pang lalawigan
MANILA, Philippines — Nasa 98 porsyento ng COVID-19 vaccines na natanggap ng pamahalaan ang naipamahagi na sa National Capital Region at iba pang lalawigan.
Hindi pa kabilang dito ang kadarating pa lamang na Sinovac mula sa China, ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire.
“Almost 98 percent has been distirbuted already but of course except the recently delivered supplies natin, ito po ay inaayos pa lang at uumpisahan pa lang dahil inantay po natin ‘yung certificates of acceptability ng EUA (Emergency Use Authorization) na ibinigay po na huli na Sinovac,” paliwanag ni Vergeire sa public briefing.
Sa kasalukuyan, mayroong hawak ang bansa na 14.2 milyon, na ang halos 10.375 milyong doses ay naipamahagi na hanggang sa malalayong lalawigan.
Nitong Huwebes (Hunyo 17) nang dumating ang 1.5 milyong doses ng Sinovac vaccine, na sisimulang ipakalat sa Lunes.
Nakatuon naman ang pamahalaan sa pagsusuplay ng bakuna sa NCR at 8 pang virus-hotspots na kinabibilangan ng Metro Cebu, Metro Davao, Bulacan, Batangas, Cavite, Laguna, Pampanga, at Rizal, at iba pang rehisyon na nagsisimula na ring tumaas ang COVID-19 cases. Samantala, tiniyak din ni Vergeire na napunuan na ang suplay ng COVID-19 vaccines sa Visayas at Mindanao.
Una nang sinabi ni Vergeire na nalagpasan na ng Visayas region ang pagtaas ng kaso ng virus sa Metro Manila at Mindanao.
- Latest