Kasong kriminal inirekomenda ng NBI sa PNP-PDEA ‘misencounter’
MANILA, Philippines — Inirekomenda na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pagsasampa ng mga kasong kriminal laban sa mga opisyal at tauhan ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na sangkot sa madugong ‘misencounter’ nitong nakaraang Pebrero 24 sa Quezon City.
Nagpadala na ng liham si NBI Officer-In-Charge Director Eric Distor kay Prosecutor General Benedicto Malcontento ukol sa rekomendasyon nilang mga kaso laban sa dalawang panig na nagka-engkuwentro ng parehong magsagawa ng anti-drugs operation sa parking lot ng isang mall.
Inirekomenda na kasuhan ng homicide sina PDEA Agents Khee Maricar Pornobi Rodas, Jelou Juanitez Satiniaman, Jeffrey Panhon Baguidudol at Romeo Asuncion dahil sa pagkakapaslang kay Police Cpl. Eric Elvin Garado at P/Cpl. Lauro de Guzman.
Sa panig ng PNP, pinakakasuhan din ng homicide si P/Cpl. Alvin Borja at dalawang John Doe dahil sa pagkamatay naman ni PDEA Agent Rankin Gano.
Pinakakasuhan naman ng frustrated homicide sina PDEA Agent Jelou Juanitez Satiniaman, PLt Ronnie Ereno, PCpl Alvin Borja, PCpl Marlon Masiclat, PCpl Ronilo Prepose, PCpl Jason Coranez, PCpl Aries Curit, PCpl Marco Tapanan at PCpl James Dasalla.
Mahaharap naman sa kasong paglabag sa Anti-graft and Corrupt Practices Act makaraang magpalabas ng bilanggo sa kulungan, at gross neglect of duty at grave misconduct sina Police Major Sandie Caparroso, hepe ng QCPD Special Operations Unit; PLt Ronnie Ereno; PLt Honey Besas; at PCPL Christopher Alvarez. Tatlong hindi pa nakikilalang lalaki ang pinakakasuhan naman ng robbery dahil sa nawawalang ‘marked money’ na ginamit sa ‘buy-bust’.
- Latest