3 timbog sa pekeng RT-PCR test
MANILA, Philippines — Tatlo katao ang nalambat sa pag-iisyu ng pekeng RT-PCR test kapalit ng P1,500 sa ikinasang entrapment operation ng mga tauhan ng Southern Police District (SPD) sa isang medical clinic sa Las Piñas City, kamakalawa.
Kinilala ang mga suspek na sina Frederick Jude Y Sena, 46, radio technician at residente ng Barangay Talon 1, Las Piñas City; Janice Dasco y Ariada, 35, cashier, ng Sabang, Naic, Cavite; at Gabriela Dimaano y Reyes, 21, clerk, ng San Nicolas, Bacoor Cavite.
Matapos makakuha ng pekeng RT-PCR test ay nagsagawa ng validation bago isinagawa ng joint operation ng mga tauhan ng Intelligence operatives ng District Mobile Force Batallion at District Intelligence Division sa Janric Medical Clinic, dating VMK Medical Clinic, na matatagpuan sa No. 350 Real St., Alabang-Zapote Road, Talon 1, Las Piñas.
Nasamsam sa klinika ang RT-PCR tests results na may pangalan ng mga pasyente, Certification of Registration, DTI Certificate, Business License at Mayor’s Permit na nakapangalan kay Janice Dasco.
Nasamsam din ang disposable lighter at isang aluminum foiled na nakarolyo, improvised glass tooter na may bahid pa ng shabu sa suspek na si Frederick Sena.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong Falsification of Public Documents at paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) Section 12 ng (Illegal Possession of Drug Paraphernalia) si Sena.
- Latest