Sinovac vaccine ‘di dahilan ng stroke – DOH
MANILA, Philippines — Nilinaw ng Department of Health (DOH) na walang koneksiyon ang naiturok na Sinovac vaccine sa isang lalaking na-stroke matapos mabakunahan.
Tiniyak muli ng DOH na ang naturang bakuna na gawa sa China at iba pang COVID-19 vaccines ay ligtas at epektibo.
Ipinaliwanag ng DOH na lumitaw sa assessment na isinagawa ng kanilang adverse events committee at ng Food and Drug Administration (FDA) na ang stroke ng lalaki ay hindi dulot ng bakuna at inconsistent sa causal association ng bakuna.
Binigyang-diin din nito na ang stroke na naganap sa lalaki ay “coincidental” lamang sa emerging conditions ng pasyente.
“The DOH and FDA strongly emphasize that vaccines are SAFE and EFFECTIVE in affording protection against COVID-19 and in preventing the severe form of COVID-19,” anito pa.
Nauna rito, sa isang social media post ay sinasabing isang 54-anyos na lalaki mula sa Caloocan na hypertensive at diabetic, ay dumanas umano ng stroke at iba pang sakit.
Kaugnay nito, pinayuhan ng mga awtoridad ang mga namamahala sa vaccination sites na sundin ang screening protocols sa pag-assess ng mga recipients ng bakuna.
Hinikayat din nito ang mga mamamayan na tiyaking hindi maglilihim at ilalahad lahat ng kanilang underlying conditions sa health declaration bago magpaturok ng bakuna.
Samantala, sa kaso naman ng pulis sa Maynila na namatay sa COVID-19 matapos mabakunahan, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na posibleng na-expose ang pasyente sa virus bago magpabakuna at lumabas ang sintomas pagkatapos mabakunahan.
- Latest