^
Bebot, dinukot ng mga lalaking sakay ng van
Sa reklamo ng biktima sa mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD)-Pasong Putik Proper Police Station 16 (PS-19), nabatid na naganap ang insidente noong Sabado ng gabi habang naglalakad siya pauwi galing sa trabaho sa Brgy. Greater Lagro.
STAR/File

Bebot, dinukot ng mga lalaking sakay ng van

Mer Layson (Pilipino Star Ngayon) - January 26, 2021 - 12:00am

MANILA, Philippines — Nagawang makaligtas ng isang babae na dinukot umano ng mga hindi pa nakikilalang suspek na lulan ng isang van habang naglalakad pauwi mula sa trabaho sa Quezon City noong Sabado ng gabi.

Hindi na pinangalanan ang biktima para sa kanyang proteksiyon habang inaalam pa rin ng mga awtoridad ang mga taong nasa likod ng pagdukot para maaresto ang mga ito. 

Sa reklamo ng biktima sa mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD)-Pasong Putik Proper Police Station 16 (PS-19), nabatid na naganap ang insidente noong Sabado ng gabi habang naglalakad siya pauwi galing sa trabaho sa Brgy. Greater Lagro.

Nagulat na lang umano siya nang hintuan siya ng isang van at pagbukas ng pinto nito ay kaagad siyang hinatak ng dalawang ‘di kilalang lalaki papasakay.

Tinangka umano niyang manlaban at pumalag ngunit sinuntok siya sa sikmura ng isa sa mga suspek kaya’t nawalan na siya ng lakas.

Tinutukan din umano siya ng kutsilyo ng mga suspek sa dibdib at saka kinuha ng mga ito ang kanyang dalang bag.

Nang malingat umano ang mga suspek ay nagawa ng biktima na makapag-text sa kanyang live-in partner at kapitbahay para humingi ng tulong.

Naulinigan pa umano ng biktima ang usapan ng mga suspek at sinabi nito na pupunta sila sa Sta. Mesa, Maynila dahil may kukunin sila roon. Pagdating sa destinasyon, naramdaman ng biktima na may inilagay sa likod ng van at nang tingnan ay nakitang isa itong lalaki na may piring sa mata. 

Nakatali umano ang mga kamay ng lalaki sa likod, may busal sa bibig, may dugo sa ulo at hindi raw gu­magalaw, na tila walang malay dahil sa pambubugbog.

Pagsapit ng madaling araw ng Linggo ay kinuha na umano ang lalaki para ilipat sa ibang sasakyan.

Ito naman ang pagkakataon na sinamantala ng biktima para makatakas at makahingi ng tulong.

Dito na niya nalaman na nasa Bulacan na pala siya.

Laking pasalamat naman ng biktima dahil nakaligtas siya sa mga kamay ng mga suspek ngunit hindi niya batid ang kinasapitan ng lalaking nakasama niya sa van.

Ayon naman sa mga awtoridad, ang grupo na kumuha sa babae ay tila nagrereport sa isang ‘boss’.

Tiniyak naman ng mga awtoridad na patuloy ang imbestigasyon nila sa kaso para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek at maaresto ang mga ito.

 

QUEZON CITY
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with