Higit 1,000 pasaway dinampot sa paglabag sa curfew, health protocol

MANILA, Philippines  — Umabot  sa 1,150 indibiduwal ang pinagdadampot ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) sa iba’t -ibang lugar sa Maynila dahil sa paglabag sa protocol sa pagsusuot ng face mask at ordinansa sa curfew sa loob ng 24 na oras na nagtapos nitong Huwebes ng madaling araw.

Sa operasyong ikinasa dakong alas-5 ng madaling araw nitong Oktubre 21 hanggang alas-5 ng madaling araw ng Oktubre 22, umabot sa 249 indibiduwal ang dinampot dahil sa paglabag sa Ordinance No. 8658 (Curfew) habang 901 naman ang dinampot dahil sa paglabag sa Ordinance No. 8627 (No Face Mask).

May kabuuan ang 24,223 indibiduwal ang dinampot ng MPD dahil sa patuloy na paglabag sa curfew habang nasa kabuuang 21,675 ang hinuli dahil sa hindi pagsusuot ng face masks mula nang maghigpit ang pulisya dahil sa pandemya at implementasyon ng quarantine protocols. Sa Manila Baywalk pa lamang, umaabot na sa 38 indibiduwal ang dinampot nitong Huwebes ng madaling araw dahil sa paglabag sa curfew. Sa kabila nito, karamihan naman sa mga dinampot ay pinakawalan din ng pulisya makaraan silang idokumento at pagsabihan sa kanilang bayolasyon.

May limang tao rin ang inaresto dahil sa pag-iinuman sa pampublikong lugar, 30 sa paninigarilyo, 10 dahil sa walang damit pang-itaas at 16 dahil sa iba pang mga paglabag sa ilalim ng Bayanihan to Heal as Once Act.

Show comments