1,350 motorcycle riders na walang barrier, huli
Sa unang araw na crackdown ng PNP
MANILA, Philippines — Umabot sa 1,350 na motorcycle riders na walang barrier ang nahuli sa unang araw ng malawakang crackdown ng Philippine National Police (PNP) bilang bahagi ng kampanya ng pamahalaan laban sa pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19).
Sa datos ni Joint Task Force COVID Shield commander Lt. Gen. Guillermo Eleazar na 704 na motorcycle riders ang hinuli o sinita dahil sa kawalan ng barrier habang angkas ang kanilang asawa o live-in-partner. Sa nasabing bilang, 697 dito ang tiniketan habang pito ang inaresto at dinala sa mga police station dahil sa kawalan ng galang o pambabastos sa mga awtoridad at paglabag sa mga pinaiiral na lokal na ordinansa.
Samantala, 580 pang motorcycle riders ang hinuli at naisyuhan ng ticket dahil sa hindi paglalagay o paggamit ng barrier at pag-ankas ng hindi nila asawa o live-in-partner.
Nasa 66 riders naman ang nahuli o naisyuhan ng ticket bagama’t may nakakabit na barrier ay natuklasang hindi naman asawa o live-in-partner ang kaangkas sa motorsiklo.
Kabilang sa mga nahuli ay ang 284 riders na naharang ng PNP-HPG; 187 sa Police Regional Office 7; 158 sa Police Regional Office 5; 129 sa Police Regional Office 9 at 120 sa Police Regional Office 12.
Base sa ipinalabas na mga guidelines ng PNP, ang hindi paglalagay o paggamit ng barrier sa pag-angkas ng asawa o live-in-partner, hindi pagsusuot ng mask, walang helmet ay makakasuhan ng “reckless driving” na may multang P1,000 hanggang P10,000 base sa ilang ulit na pagkakahuli o paglabag.
- Latest