Pagsasalita sa loob ng tren ng MRT, bawal na rin!
Ayon sa MRT-3, ang pagbabawal ay bahagi ng mga pag-iingat at mga pamamaraang ipinatutupad nila laban sa COVID-19, lalo na ngayong balik na ang kanilang operasyon nitong Lunes, Hulyo 13.
AFP/Ted Aljibe, file
Pagsasalita sa loob ng tren ng MRT, bawal na rin!
Mer Layson (Pilipino Star Ngayon) - July 14, 2020 - 12:00am

Pagkatapos ng LRT

MANILA, Philippines — Upang maiwasan ang posibleng hawahan at higit pang pagkalat ng  CO­VID-19, mahigpit na rin munang ipinagbabawal ng pamunuan ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) ang pagsasalita at pagsagot sa digital devices ng kanilang mga pasahero habang nasa loob ng tren ang mga ito.

Ayon sa MRT-3, ang pagbabawal ay bahagi ng mga pag-iingat at mga pamamaraang ipinatutupad nila laban sa COVID-19, lalo na ngayong balik na ang kanilang operasyon nitong Lunes, Hulyo 13.

“Upang maiwasan ang posibleng pagkalat at pagkahawa ng virus sa mga commuters, mahigpit na ipinagbabawal ang pagsagot ng tawag sa cellphone ng mga pasahero at pagsasalita sa loob ng tren,” nakasaad sa paabiso ng MRT ma­nagement sa kanilang official Twitter account.

Kasabay nito, pinapaalalahanan din ng MRT-3 ang mga pasahero na panatili­hing nakasuot ang kanilang mga face masks habang nakasakay ng tren.

“Maaaring maging sanhi ng pagkahawa sa virus ang respiratory droplets na nanggagaling sa pagsasalita, pag-ubo at pagbahing kaya’t pinapaalalahanan din ang mga pasahero na panatilihing nakasuot ang face mask,” paalala pa ng MRT-3.

Matatandaang noong nakaraang linggo ay nagpasya ang MRT-3 na pansamantalang suspindihin ang kanilang operasyon matapos na magpositibo sa CO­VID-19 ang ilan nilang staff.

Habang suspendido naman ang kanilang biyahe, isinailalim ng MRT-3 sa COVID-19 testing ang lahat ng empleyado ng MRT-3 gayundin ng kanilang maintenance provider na Sumitomo-MHI-TESP at subcontractors nito.

Sinamantala rin nila ang pagkakataon upang makapag-disinfect sa kanilang mga pasilidad, kabilang ang kanilang depot, mga istasyon at mga tren.

Sa naturang pagsusuri, 281 MRT-3 staff ang nagpositibo sa virus, kabilang ang mga ticket sellers, kaya’t pinayuhan ang riding public na posibleng nakasalamuha ng mga ito na sumailalim sa self-quarantine.

Kaugnay nito, tiniyak naman ng MRT-3 na sa pagbabalik-operasyon nila ay magpapatupad sila ng mas istriktong mga health at safety protocols upang matiyak ang kaligtasan mula sa virus ng kanilang mga pasahero at mga empleyado.

 

MRT
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with