Quezon Mayor Joy Belmonte, nagpositibo sa COVID
QUEZON CITY, Philippines — Nagpositibo sa COVID-19 si Quezon City Mayor Joy Belmonte.
Bunga nito, agad pansamantalang ipinasara ni Mayor Belmonte ang kanyang tanggapan at ang common areas sa QC hall para sa disinfection.
“Nais ko pong ipahayag sa lahat ng aking minamahal na QCitizens na ako po ay nagpositibo sa aking huling COVID-19 test. Nagpapasalamat po ako na agad itong natuklasan. Sa ngayon, maayos po ang aking kalagayan at wala po akong nararamdamang anumang sintomas. Mahigpit ko pong sinusundan lahat ng quarantine protocols ng ating Department of Health at sinimulan na din po ng QC Epidemiology and Surveillance Unit (QC-ESU) ang contact tracing procedures,” pahayag pa ng alkalde.
Naghinala si Mayor Belmonte na nakuha ang sakit mula sa mga ginagawang pagdalaw sa mga health center at ospital, special concern lockdown areas at mga komunidad para matiyak at malaman ang pangangailangan ng mga constituents.
“Sa simula pa lang, batid na naming posibleng mangyari ito. Pero hindi ko po ito pinagsisisihan. Inihanda ko na po ang aking sarili at buong puso ko po itong tinatanggap. Nangyari po ito sa kabila ng aking ibayong pag-iingat, pagsusuot ng face mask, madalas na paghugas ng kamay, at social distancing. Kaya sana ay magsilbi itong paalala na ang COVID-19 ay tunay na isang kakaibang sakit na dapat pag-ingatan pa nang lubusan,” sabi pa ni Belmonte.
Bagama’t naka-quarantine, tiniyak naman ni Belmonte na patuloy ang serbisyo at mga gawain ng lokal na pamahalaan.
Kahit anya limitado ang kanyang pagkilos ay mananatili anya siyang nakatutok sa kalagayan at pangangailangan ng buong Quezon City.
- Latest