Pamilyang nagpositibo sa COVID-19, kinasuhan
Nag-party pa sa kabila ng community quarantine
MANILA, Philippines — Kinasuhan na ng Navotas police ang pamilyang nagpositibo sa COVID-19 matapos mag-party sa kabila ng umiiral na community quarantine.
Ayon kay Mayor Toby Tiangco, 14 na residente ng H. Monroy St., Brgy. Navotas West ang nakasuhan dahil sa pagdalo sa isang party at pagsuway sa mahigpit na pagbabawal sa pagtitipun-tipon sa panahong iyon.
Sa 14, anim ang dumalo sa birthday ng isang miyembro ng pamilyang nakumpirmang positibo sa COVID-19.
Nakasaad sa inihaing reklamo na paglabag iyon sa Article 151 ng Revised Penal Code, Section 9 ng RA 11332, RA 9271 at Omnibus Guidelines on the Implementation of Community Quarantine.
“Sa pagsawalang-bahala ng pamilya sa ipinatutupad na safety regulations, nilagay nila sa panganib ang kanilang buhay pati na ang buhay ng lahat ng mga nakatira sa H. Monroy. Dahil sa kawalan nila ng pag-iingat, nabalewala ang ating pagsisikap na mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 at pagsisiguro na ligtas ang ating mamamayan,” ani Tiangco.
Isinailalim ng pamahalaang lungsod ang H. Monroy sa lockdown mula June 11 hanggang June 24, matapos magpositibo sa COVID-19 ang 14 sa mga residente nito.
Dagdag ni Tiangco, magsilbi itong aral at mahigpit na babala sa mga sumusuway ang pagsasampa ng kaso.
Aniya, bagama’t hindi naaktuhan, sasampahan pa rin ng kaso ang sinumang lalabag sa quarantine order.
- Latest