Customs umalerto vs bagong ‘swine flu’
MANILA, Philippines — Mahigpit na nakabantay ngayon ang Bureau of Customs (BOC) sa mga borders ng bansa upang maiwasang makapasok ang ang mga kontaminadong karne ng baboy kaugnay ng bagong strain ng swine flu virus.
Ipinag-utos ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero sa lahat ng customs port officials na maging mapagbantay at masusing suriin ang mga dumarating na reefer containers na naglalaman ng karne ng baboy at iba pang produktong karne bago makapasok sa Pilipinas.
“The Bureau of Customs has been strictly monitoring agricultural and other food items and ensuring that proper procedures are followed to guarantee the safety of the consumers and prevent the entry of food that may contain diseases,” ayon sa pahayag ng BOC.
Kabilang sa ipinatutupad na aksyon ng BOC ay ang pagsampa sa mga dumarating na barko ng kanilang mga tauhan at quarantine officers ng Bureau of Animal Industry (BAI), Bureau of Plant Industry (BPI), at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) para magsagawa ng inspeksyon.
Matapos ang inisyal na eksaminasyon ng mga boarding officers, nilalagyan ang reefer container ng seal para naman sa 100 porsyentong eksaminasyon ng National Meat Inspection Service sa storage warehouse.
Nagpalabas na rin ang BOC ng panuntunan para sa Electronic Tracking of Containerized Cargo System (E-TRACC System) na isang paraan sa pagsuri sa mga ‘reefer imporation’ sa iba’t ibang pantalan sa bansa.
- Latest