Pagkakahawa ng virus sa 255 na tricycle drivers, ‘di pa tukoy
MANILA, Philippines — Hindi pa tukoy ng Mandaluyong City government kung paano dinapuan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang may 255 tricycle drivers sa kanilang lungsod.
Ayon kay Mandaluyong City Mayor Menchie Abalos, ang mga infected tricycle drivers, na pawang asymptomatic o hindi nakitaan ng sintomas ng virus, ay mula naman sa iba’t ibang barangay kaya’t hindi pa nila matukoy sa ngayon kung paano sila dinapuan ng sakit.
“Hindi mo ma-trace kung sasabihin mo na nahawa kung kanino kasi nga random ‘yung aming ano eh. Iba-ibang barangays itong mga drivers na ‘to eh kaya ‘di namin masabi kung nahawa kung kanino” ani Abalos.
Nilinaw din naman ng alkalde na hindi pa bumibiyahe sa lungsod ang mga tricycle drivers, na nagpositibo sa COVID-19 sa pamamagitan ng rapid test.
“Hindi pa naman sila bumibiyahe talaga, actually ang sabi ko kasi hangga’t walang rapid test, hindi sila puwedeng bumiyahe,” ani Abalos.
Ang mga nagpositibo sa rapid test ay kaagad aniya nilang ipina-isolate at awtomatikong ipapa-swab test para makumpirma ang kalagayan ng kalusugan ng mga ito.
- Latest