Chinese nasagip, 2 kalahi na kidnaper arestado
MANILA, Philippines — Dalawa na namang kidnaper na Chinese national ang naaresto ng mga elemento ng PNP-Anti Kidnapping Group (PNP-AKG) habang nailigtas naman ang kinidnap ng mga itong kanilang kalahi sa isinagawang rescue operation sa Brgy. Tambo, Parañaque City nitong Huwebes ng madaling araw.
Kinilala ni PNP-AKG Spokesman Police Major Rannie Lumactod ang nasagip na bihag na si Jiang Longgen, 32, tubong Sichuan, China.
Arestado naman ang dalawang kidnaper na sina Niang Zhenquiang, 35 ng Jiangsu, China at Zhu Peijian, 35 ng Guangdong, China.
Bandang ala-1:45 ng madaling araw nang magsagawa ng operasyon ang Luzon Field Unit ng PNP AKG matapos na makatanggap ng impormasyon mula sa Operation Manager ng Okada Hotel hinggil sa pagdukot ng mga suspect sa biktima.
Nabatid na ang modus operandi ng loan shark syndicate ay pautangin ang mga nagka-casino na mga kapwa ng mga ito Chinese at kapag natalo ay kikidnapin ang potensyal na biktima at hihingan ng malaking halaga ang pamilya kapalit ng kalayaan nito.
Ang biktima ay nasagip sa Seaside Drive, Brgy. Tambo, Parañaque City na nagresulta rin sa pagkakaaresto sa nasabing mga suspect.
Kaugnay nito, inihayag ng opisyal na mas mataas ang casino related kidnapping for ransom (KFR) noong 2019 kumpara noong nagdaang 2018.
Base sa tala ng PNP-AKG, nasa 38 ang insidente ng casino related KFR noong 2019 kung saan 61 suspect ang naaresto at 22 namang biktima ang nasagip habang 61 suspect ang nasakote.
Samantalang nasa 22 naman ang naresolbang kaso habang 16 insidente naman ng KFR ang naitala noong 2018 kung saan 17 ang nasakote at tatlo ang nasagip.
- Latest