Ayon sa DepEd, ang suspensyon ng klase ay itinakda mula Disyembre 2 hanggang 6 dahil ang 43 silid-aralan ng mga naturang paaralan ay ipapagamit sa may 296 drivers na magsisilbi sa SEA Games.
Boy Santos/File
6 public schools sa NCR, 1-week na walang klase
Mer Layson (Pilipino Star Ngayon) - November 29, 2019 - 12:00am

MANILA, Philippines — Sinuspinde ng Department of Education (DepEd)  ng isang linggo ang klase sa anim na pampublikong paaralan sa mga lungsod ng Maynila, Pasay at Pasig, kaugnay ng pagbubukas bukas ng  30th Southeast Asian Games (SEAG) sa bansa.

Ayon sa DepEd, ang suspensyon ng klase ay itinakda mula Disyembre 2 hanggang 6 dahil ang 43 silid-aralan ng mga naturang paaralan ay ipapagamit sa may 296 drivers na magsisilbi sa SEA Games.

Nabatid na kabilang sa mga paaralan na walang pasok ay ang Aurora A. Quezon Elementary School sa Maynila; Gotamco Elementary School, Andres Bonifacio Elementary School, at Rafael Palma Elementary School sa Pasay City at ang Oranbo Elementary School at Bagong Ilog Elementary School sa Pasig.

Sinabi ng DepEd, ang class suspension ay base na rin sa kahilingan ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC), na siyang nangangasiwa sa SEA Games.

Samantala, inirekomenda rin naman ang suspensyon ng klase sa ilang pribadong paaralan sa ilang lugar kung saan idaraos ang palaro ngunit nasa diskresyon ng mga administrador ng mga natu­rang paaralan ang desisyon hinggil dito.

Kabilang sa mga naturang paaralan na inirerekomendang magpatupad ng class suspension mula Disyembre 2 hanggang 6 ay ang Systems Plus College Foundation at Angeles University Foundation para sa Clark Cluster; at Lyceum of Subic Bay Palm Tree, WOW Recreation and Activity Center, Mondriam Aura College, at College of Subic Bay Montessori-Subic Bay para sa Subic Cluster.

Para naman sa Metro Manila Cluster, inirerekomenda ang suspensyon ng klase sa St. Paul College-Pasig, Pove­da, De La Salle University, De La Salle College of St. Benilde, St. Scholastica’s College, Arellano University School of Law-Manila, at Wesleyan College-Manila.

Sa Southern Luzon Cluster naman ay inirerekomenda ring magkansela ng klase sa susunod na linggo sa Tagaytay Science National High School, City College of Tagaytay, Polytechnic University of the Philip­pines, Sta. Rosa Science and Technology High School, Blessed Christian School de Santa Rosa, UP Los Baños, Christian School International at San Antonio Elementary School.

Kaugnay nito, hinihikayat din naman ng DepEd ang mga magulang, mga guro, at mga estudyante na manood ng mga palaro ng SEA Games at suportahan ang Philippine national team.

Ang SEA Games ay magsisimula bukas, Nobyembre 30 at magtatapos sa Dis­yembre 11.

PUBLIC SCHOOLS WALANG PASOK
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with