Lisensiya ng driver na kumaladkad sa traffic enforcer, sinuspinde
MANILA, Philippines — Sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya at isinailalim sa alarma ang sasakyan ng driver na nakasakit sa enforcer ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) kamakailan.
Ayon sa LTO, nagpalabas na rin ang ahensiya ng show-cause order (SCO) sa driver na si Orlando Ricardo Dizon Jr. para magtungo sa LTO Intelligence and Investigation Division sa Quezon City sa November 21, Huwebes para magbigay ng kanyang panig kaugnay sa insidente.
Batay sa nakalap na CCTV footage, nawalan ng malay at nahulog mula sa pagkakaladkad ng sasakyang Mitsubishi Xpander ni Dizon si (MTPB) enforcer Adrian Lim sa may Laong Laan road sa Maynila. Naganap ang insidente nang hulihin ni Lim si Dizon dahil sa paglabag sa batas trapiko sa lugar.
Takda namang kasuhan si Dizon ng serious physical injury at hit and run.
Samantala, positibo sa ilegal na droga si Dizon.
Ayon ito kay Manila Mayor Isko Moreno, inireport sa kanya ni Lt. Col Reynaldo Magdaluyo na lumabas na ang drug test si Dizon.
Sinabi ni Moreno na hindi rin nakitaan ng anumang remorse o pagsisisi ang suspect sa kanyang ginawa.
- Latest