AWOL na parak, 3 pa timbog sa karnap
Mer Layson (Pilipino Star Ngayon) - September 17, 2019 - 12:00am

MANILA, Philippines — Isang AWOL (Absent Without Official Leave) na parak at tatlong iba pa ang inaresto ng mga awtoridad matapos na mahuling sakay ng mga kinarnap na behikulo sa Quezon City kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Acting Quezon City Police District (QCPD) Director, P/Colonel Ronnie Montejo ang mga suspek na sina Patrolman John Rey Bautista, 37, ng Malabon City; Albert Hipolito, 46, ng Brgy. Tandang Sora; Christopher Orosco, 39, ng Caloocan City, at Roderick Sarang, 43, ng Brgy. Santol, Quezon City.

Batay sa ulat ng Masambong Police Station (PS 2), sa ilalim ng pamumuno ni P/Lt.Col Rodrigo Soriano, nabatid na nag-ugat ang pag-aresto sa mga suspek sa reklamo ni Tommy Ruperto, 54, isang retiradong US Army, na nagpaparenta ng mga sasakyan.

Ayon kay Ruperto, dakong alas-9:00 ng gabi ng Setyembre 12, 2019, isang Joanna Mae Turingan, 30, ng Bacoor, Cavite ang nagtungo sa Thriving Rent a Car na pagma-may-ari ni Ruperto at matatagpuan sa Brgy. Puting Kahoy, Silang, Cavite upang magrenta ng dalawang sasakyan, sa halagang P22,000, na alinsunod sa kasunduan ay isasauli nito sa Setyembre 15, 2019.

Gayunman, bigo umano si Turingan na maisauli ang mga sasakyan, na kinabibilangan ng isang Sedona red na Mitsubishi Montero, model 2018, at metallic blue na Mitsubishi Mirage, model 2019. 

Dakong alas-6:00 ng uma­ga ng Setyembre 15, 2019, nang mapuna umano ni Ruperto na pinatay ang Global Positioning System (GPS) tracking device ng mga sasakyan, kaya’t nagsimula na siyang mag-alala at agad na nagtungo sa QCPD-PS 2 upang magreklamo. 

Natunton naman ang Montero sa Visayas Avenue, Quezon City sa pamamagitan ng back-up GPS nito kaya’t mabilis nang nagtungo doon ang mga pulis.

Dakong alas-8:00 ng gabi ng matunton ang kinaroroonan ng Montero na nakitang nakaparada sa Tomas Mo­rato St. corner Scout Gandia. 

Nang lapitan ng mga pulis ang sasakyan, ay nakitang sakay nito sina Bautista, Hipolito at Orosco sanhi upang kaagad silang arestuhin.

Si Sarang naman ay ina­resto sa lugar habang sakay ng isang Toyota Avanza  , na pinaniniwalaang carnapped vehicle rin matapos na mabigo itong makapagpakita ng kaukulang dokumento para sa sasakyan.

Bukod sa mga narekober na behikulo, nakakumpiska rin ang mga pulis mula kay Bautista ng isang Glock 17 caliber 9MM na may serial number na PNP #39825 na may pitong bala, isang spare magazine na may 18 ammunition habang si Orosco ay nakuhanan ng Pietro Berreta na may serial number na #M16280Z na may 15 ammunition; firearm license card na nakapangalan sa isang Manuel Orozco Figueroa; tatlong cellular phones; at iba’t ibang mga IDs. 

AWOL
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with