Pagwasak sa barangay hall barangay hall sa Quezon City, pinangunahan ni Mayor Joy
MANILA, Philippines — Pinangunahan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang paggiba sa barangay hall ng Damayang Lagi sa E. Rodriguez ,kahapon ng umaga dahil ito ay nakatayo sa sidewalk ng lungsod.
Ayon kay Belmonte, patuloy ang gagawing pagtatanggal ng mga illegal structures na nakakahambalang sa mga daan bilang suporta sa panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil dito.
Anya, ang barangay hall ng Damayang Lagi ay isa sa mahigit 10 barangay hall na nasa sidewalk na isa-isa nilang aalisin sa loob ng 60 days ultimatum ng DILG sa mga LGUs na alisin ang mga illegal structures sa kanilang area of responsibility.
Sinabi ni Belmonte na hindi ganoon kabilis na walisin ang lahat ng illegal structures sa mas mabilis na panahon pero tatalima ang QC sa utos ng Pangulong Duterte na walisin ang mga sagabal sa daan na nagsasanhi ng matinding trapik.
Ang QC ang pinaka-malaking lungsod sa buong bansa.
“Patuloy po ang ating pagtatanggal ng mga illegal structures sa ating lungsod at tahimik lamang po tayong nagta -trabaho dahil mas gusto ko po na mas makita ng tao ang nagawa nating pagbabago sa lungsod,” sabi pa ni Belmonte.
Makaraang gibain ang nakahambalang na barangay hall ng Damayang Lagi ay pormal naming nai-turnover ni Mayor Belmonte kasama sina DILG Secretary Eduardo Año, MMDA Chairman Danilo Lim, MMDA Gen Manager Jojo Garcia, PNP NCRPO director General Guillermo Eleazar , QC Police Chief Lito Esquivel, QC Traffic Management head Ariel Inton kay Barangay Damayang Lagi Chairman Renato Tanyag ang susi ng bagong barangay hall na gawa sa container van na matatagpuan sa may bakanteng lote malapit sa dating barangay hall.
Pansamantala lang naman aniya ito dahil magpapatayo ang QC government ng bagong barangay hall sa mas maayos na lugar.
Makaraan nito, pinangunahan naman ni Eleazar na gibain ang community police precinct sa Balintawak Cloverleaf na bagama’t hindi anya nakakahambalang sa kalsada ay hindi maganda ang kinatatayuan nito.
- Latest