P.2-M reward vs cop killer
MANILA, Philippines — Naglabas ang Pamahalaang Lungsod ng Malabon ng P200,000 reward para sa sinumang magiging tulay para madakip ang lalaking bumaril at pumatay sa isang tauhan ng Malabon City Police noong Miyerkules ng gabi.
Kasabay ng paghahayag ng reward money, kinondena ni Malabon City Mayor Lenlen Oreta ang pagpaslang kay P/SSgt. Orland “Lucky Boy” De Leon, nakatalaga sa Station Drug Enforcement Team ng Malabon Police.
Naging mahigpit ang bilin ni Oreta kay Malabon City Police chief, Col. Jessie Tamayo na agad na resolbahin ang kaso, dakpin ang gunman maging ang mga nasa likod ng pamamaslang.
Kilala si De Leon sa Malabon sa kanyang aktibong kampanya kontra iligal na droga at responsable sa pagkakadakip ng mga notoryus na tulak ng droga sa lungsod.
Matatandaan na inambush si De Leon ng isang lalaking sakay ng motorsiklo dakong alas-6:11 nitong Miyerkules ng gabi sa Araneta Avenue sa Brgy. Potrero.
Nagtamo siya ng 14 na tama ng bala sa katawan na nagresulta sa kanyang agarang pagkasawi habang nagawang makatakas ang salarin.
- Latest