2 terorista timbog sa QC
MANILA, Philippines — Naaresto ng mga awtoridad ang dalawang pinaghihinalaang miyembro ng Dawlah Islamiya terrorists sa operasyon na isinagawa sa Salaam Compound, Brgy. Culiat, Quezon City nitong linggo.
Sa press briefing sa Camp Crame, kinilala ni Philippine National Police (PNP) Chief Police Director Oscar Albayalde ang mga nasakoteng suspect na sina Arnel Cabintoy, alyas Abu Musab, tubong Langangilang, Abra at Feliciano Sulayao, alyas Abu Muslim, tubong Calbayog City, Northern Samar.
Ayon kay Albayalde, ang dalawang nadakip ay kabilang sa mga teroristang pinaghahanap ng batas kaugnay sa naganap na Marawi siege noong 2017.
Nakumpiska mula sa mga ito ang mga blasting caps at granada.
Sinabi ng PNP Chief na ang mga suspect ay sumapi sa Dawlah Islamiyah sa ilalim ng grupo nito na Hatib Hajan Sawadjaan na siyang namumuno ngayon sa liderato ng Abu Sayyaf Group matapos namang mamatay si Isnilon Hapilon sa kasagsagan ng Marawi City siege.
Ang dalawa, ayon kay Albayalde ay kabilang sa naisyuhan ng warrant of arrest sa kasong rebelyon sa Mindanao ni Defense Secretary Delfin Lorenzana, itinalagang martial law administrator sa Mindanao Region.
Kasalukuyan namang iniimbestigahan, ayon kay Albayalde kung ano ang tunay na pakay ng mga suspect sa Metro Manila at kung may plano ang mga itong manabotahe sa nakatakdang SONA (State of the Nation Address) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa darating na Hulyo.
Samantalang kasalukuyan ring inaalam kung may mga kasamahan pa ang mga ito sa Metro Manila.
- Latest