'Sinaolan drug cartel member' na nasakote sa Makati guilty
MANILA, Philippines — Hinatulan ng guilty ang isang Mehikanong naaresto noong 2015 dahil sa pagtutulak ng iligal na droga ngayong Miyerkules.
Sa bisa ng desisyong inilabas ng Makati City Regional Trial Court Branch 63, napatunayang nagkasala si Horacio Hernandez Herrera dahil sa pagbebenta ng 2,560.7 gramo ng cocaine.
"WHEREFORE, premises considered, the Court finds accused HORACIO HERNANDEZ HERRERA GUILTY beyond reasonable doubt and is hereby sentenced to suffer the penalty of life imprisonment and to pay a fine of Five Hundred Thousand Pesos (Php 500,000.00) to Ten Million pesos (Php 10,000,000.00)," sabi ng walong pahinang dokumento.
Pinaghihinalaang miyembro si Herrera ng notorious na Sinaloan Mexican Drug Cartel na nagsu-suplay ng shabu, ecstasy at cocaine sa Metro Manila at mga kalapit na probinsya.
Lumalabas na lumabag siya sa Section 5, Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Sa operasyong tinawag na "Coplan Burrito," napasakamay ng otoridad si Herrera sa isang buy-bust operation na isinagawa sa parking area ng Dona Dona Korean BBQ Restaurant sa Lungsod ng Makati, ika-11 ng Enero taong 2015.
Nagkakahalaga ng P12 milyong piso ng cocaine ang nakuha mula sa kanya na nakasilid sa 10 piraso ng "self-sealing transparent plastic bags."
Isinagawa ang pag-aresto nina intelligence Officer 1 Errorld Dayrit, Intelligence Officer 1 Trece Martin Gleen Polon at Senior Police Officer 1 Angelito Aguilan.
Unang naghain ng "not guilty" plea ang noo'y akusado bago nagsimula ang paglilitis.
Itinurn-over naman sa Philippine Drug Enforcement Agency ang mga nakumpiskang droga kay Herrera para madispatsa alinsunod sa hinihiling ng batas.
Inilabas ng Makati RTC ang hatol matapos ma-convict ang pinuno ng Sinaloa cartel na si Joaquin Guzman alyas "El Chapo" kahapon.
- Latest