Rider todas sa poste
MANILA, Philippines — Nalagutan ng hininga ang isang motorcycle rider nang masangkot sa isang “self-accident” nang sumalpok siya sa isang poste ng kuryente habang napakabilis nang patakbo sa may Pasay City kamakalawa ng hapon.
Nakilala ang nasawi na si Crispin Dotimas Ramis, 38, at nakatira sa may No. 911 Marinduque Street, Brgy. Pitogo, Guadalupe, Makati City.
Sa ulat ng Pasay City Police-Traffic Unit, naganap ang aksidente dakong alas-3:15 ng hapon sa may C-5 Extension sa naturang lungsod na binabagtas ng biktima sakay ng kanyang Raider type na motorsiklo.
Ayon sa mga saksi sa lugar, humaharurot ang motorsiklo nang bigla na lamang mawalan ng kontrol at diretsong sumalpok sa konkretong poste ng kuryente sa gilid.
Agad namang nasaklolohan ang biktima ng mga opisyal ng barangay at isinugod siya sa Parañaque Doctor’s Hospital ngunit nalagutan din ng buhay dakong alas-7:58 ng gabi dahil sa pinsala sa kanyang ulo.
Hawak ngayon ng pulisya ang motorsiklo na gamit ng biktima habang nagsasagawa ng mas masusing imbestigasyon ang pulisya sa naturang kaso.
- Latest