Mister na nagpapa-5-6, tinodas
MANILA, Philippines — Isang araw matapos na magbanta si Pangulong Digong sa mga nagpapa-5-6, isang mister na nagpapautang ang pinagbabaril at napatay ng hindi pa nakikilalang suspek sa Commonwealth Market sa Quezon City, kahapon ng umaga.
Ang biktima ay kinilalang si Emilio Corpuz Leomo, 54, tubong Camarines Sur at nakatira sa Steve St., Brgy. Commonwealth, Quezon City.
Si Leomo ay namatay noon din dahil sa tinamong mga tama ng bala ng kalibre .38 baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Nang masigurong patay na ang biktima ay parang walang nangyaring naglakad lamang papalayo sa crime scene ang suspek na nakasuot ng itim na jacket, itim na sumbrero, nakasuot ng maong na pantalon at nakatakip ng black bonnet ang mukha.
Nabatid mula kay P/Supt. Joel Villanueva, hepe ng Batasan Police Station 6, ang krimen ay naganap dakong alas-6:00 ng umaga sa stall 19 ng Commonwealth Market.
Ayon sa saksi, nakita niya ang suspek na basta na lamang dinikitan at pinagbabaril ang naglalakad na biktima. Sa ngayon ay nagsasagawa pa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad upang mabatid ang motibo ng krimen.
Naganap ang pagpatay sa biktima isang araw matapos sabihin ng Pangulong Duterte na dapat ay patayin ang mga nagpapautang ng 5-6 dahil ginigipit nila ang mga taong gipit na sa pera.
- Latest