PITX, ipapagamit na rin sa mga bus
MANILA, Philippines — Inihayag ng pamunuan ng Department of Transportation (DOTr) na plano na rin nilang i-require ang mga provincial at city buses na gumamit ng bagong bukas na Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX).
Ayon kay DOTr Undersecretary Mark De Leon, hinihintay na lamang nila ang ilalabas na memorandum circular ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para dito.
Habang wala pa naman aniya ang memorandum circular ay patuloy na lamang nilang pinapaalalahanan ang mga bus operators na gumamit ng PITX, lalo na at may pailan-ilan pa rin sa mga ito ang hindi sumusunod sa instruksyon.
Ang mga provincial bus aniya ay kailangang mag-terminal sa PITX habang ang mga city buses naman ay kailangang pumasok upang doon magbaba at magsakay ng mga pasahero.
“May mga mangilan-ngilan pa rin po na bus na hindi sumusunod sa regulasyon kaya hinihintay po talaga natin na mag-release ang LTFRB ng memorandum circular na magre-require sa mga bus na tumigil sa PITX.”
Aniya, maaari naman aniyang dumaan lamang sila doon upang magbaba at magsakay ng pasahero at ipagpatuloy na ang kanilang biyahe.
Plano rin ng DOTr na hilingin sa concessionaire ng PITX na magdagdag ng mga information officers at maging information signages sa landport para maiwasan na ang pagkalito ng ilang pasahero.
Hindi naman kasi aniya maiiwasang magkaroon ng kalituhan lalo na at iilang araw pa lamang namang nag-o-operate ang PITX.
- Latest