Most wanted na killer ng Koreano, arestado
MANILA, Philippines — Arestado ang no. 5 most wanted criminal na sangkot sa pagpatay sa isang Korean national sa Pasay City, kamakalawa ng gabi.
Nasa custody ngayon ng Pasay City Police si Henry Patrimonio, 44, ng Santa Monica St., Zone 4, Brgy. 10 ng naturang lungsod.
Ayon sa director ng Sou-thern Police District (SPD) na si Sr. Supt. Eliseo Cruz, alas-9:30 kamakalawa ng gabi nang madakip si Patrimonio ng pinagsanib na pwersa ng District Special Operating Unit (DSOU) at District Intelligence Unit (DIU) sa pamumuno nina Sr. Inspector John Patrick Magsalos at Inspector Lutgardo Labare sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Manila Regional Trial Court (RTC), Branch 41 Presiding Judge Rosalyn Mislos-Loja dahil sa kasong Homicide at Illegal Possession of Firearm (Violation of R.A. 10591).
Nabatid na si Patrimonio ay sangkot sa pagpatay sa Korean national na si Joong Chul An noong Hunyo 23, 2013 sa panulukan ng M. Adriatico at Remedios Sts., Malate, Manila.
Itinuturing itong “number 5 most wanted criminal” ng pulisya.
Narekober sa akusado ang isang kalibre .38 revolver at mga bala.
- Latest