6 teams bakbakan sa Foundation Cup
MANILA, Philippines — Muling masisilayan ang matinding aksiyon sa paglarga ng 2018 Philippine Basketball Association (PBA) D-League Foundation Cup sa Hunyo 4.
Sa pagkakataong ito, tanging anim na koponan lamang ang lalahok sa pangunguna ng 2018 Aspirants’ Cup runner-up Che’Lu Bar and Grill at 2017 Foundation Cup runner-up Centro Escolar University Scorpions.
Kasama rin ang Marinerong Pilipino Skippers, Go For Gold-College of St. Benilde Scratchers, Batangas-Emilio Aguinaldo College Generals at AMA Online Education Titans.
Ipatutupad ang double-round robin format sa eliminasyon na tatakbo hanggang sa Hulyo 26.
Lalaruin ang eliminasyon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Umaasa ang Che’Lu Bar and Grill na makabawi sa kanilang kabiguan sa Zark’s Burger-Lyceum of the Philippines University sa finals ng season-opening Aspirants’ Cup.
May bagong kampeon ang kokoronahan sa edisyong ito ng Foundation Cup dahil hindi lalahok ang Cignal Hawkeyes na karamihan ay mga manlalaro ng San Beda University.
Naghahanda ang Red Lions para sa pagdepensa sa kanilang titulo sa NCAA Season 94.
- Latest