Worldwide Walk ng INC, Roxas Blvd. isasara
MANILA, Philippines — Isasara sa darating na Mayo 6 ang bahagi ng Roxas Boulevard na nasasakupan ng Pasay at Maynila kaugnay sa isasagawang Worldwide Walk to Fight Poverty ng Iglesia ni Cristo (INC).
Sa isang press briefing kahapon sa MMDA, inanunsiyo ni MMDA General Manager Jojo Garcia, na isasara sa trapiko ang Roxas Boulevard sa pagitan Buendia at P. Burgos, simula alas-12:00 ng madaling araw ng Mayo 5 hanggang 6 ng alas-10:00 ng gabi ng Mayo 6.
“The INC event is expected to be big since over a million people would join,” sabi Garcia.
Sa naturang aktibidad ay apektado ang Quirino Grandstand, Luneta Park, bisinidad ng Cultural Center of the Philippines Complex, bahagi ng Diosdado Macapagal Avenue, Buendia Avenue, Taft Avenue at Road 10.
Payo ni Garcia, na iwasan aniya ng mga motorista at commuters ang nabanggit na mga lugar.
“We need the cooperation of the public. Stay away from Roxas Boulevard and some areas in Manila and Pasay if you do not have any business or anything important to do there,” sabi pa ni Garcia.
Dahil dito, ayon kay Garcia, nasa 200 MMDA personnel ang itatalaga para magmantina ng daloy ng trapiko, peace and order at clean-up operation.
Nakipag-ugnayan na rin ang MMDA sa pamahalaang lokal ng Maynila at Pasay para umayuda sa kanila pagdating sa pagmamantina ng trapiko at seguruhin ang kaligtasan ng mga dadalo sa naturang gawain.
Sinabi naman ni Department of Transportation (DOTr) Undersecretary Tim Orbos, na magbibigay din sila ng ayuda sa mga taong dadalo sa walkathon.
Hinikayat ni Orbos ang mga dadalo, na sumakay ng Metro Rail Transit (MRT), Light Rail Transit (LRT) at Philippine National Railways (PNR) para hindi aniya maabala sa posibleng mabigat na daloy ng trapiko na idudulot nito.
Gayundin ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ay magbibigay ng special trips sa mga participant na sasakay ng bus hanggang ferry.
- Latest