Most wanted cop, timbog

Ang tinaguriang most wanted cop na si PO3 Alfredo Mabutol Jr. nang iprisinta ni QCPD director Chief Supt. Guillermo Eleazar matapos itong madakip kamakalawa ng umaga dahil sa iba’t ibang kinasasangkutang kaso. (Kuha ni Boy Santos)
MANILA, Philippines — Isang dating pulis na most wanted sa kasong robbery at number 1 na drug personality sa La Loma, Quezon City ang nadakip ng mga awtoridad, kamakalawa ng umaga.
Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director P/Chief Supt. Guillermo Eleazar ang suspek na si PO3 Alfredo Mabutol Jr. 43, nakatira sa Brgy. Salvacion, La Loma, Quezon City.
Ayon kay Eleazar, si Mabutol ay nangunguna sa listahan ng most wanted person sa district level at no. 1 drug persona-lity ng La Loma Police Station 1.
Sinabi ni Eleazar na si Mabutol ay leader ng illegal drug group na nag-ooperate sa area ng La Loma at responsable sa pagpapakalat ng shabu sa Calavite St., Brgy. Salvacion at Tagaytay St., Brgy. San Jose, Quezon City.
Nadakip ang dating pulis dakong alas-7:50 ng umaga sa harap ng tahanan nito sa Brgy. Salvacion, La Loma sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas nina Judge Severino De Castro at Judge Aurora Hernandez Calledo ng Quezon City RTC dahil rin sa kasong robbery at droga.
Nakakuha rin ang pulisya ng bench warrants of arrest laban kay Mabutol mula kay Judge Petronilo Sulla Jr., ng Pasay City RTC Branch 110 dahil sa hindi nito pagsipot sa mga kaso ng ilegal na droga na kanyang hinahawakan noong siya ay pulis pa kaya napapawalang sala ang mga akusado.
Base sa rekord, si Mabutol ay napasok sa police service noong October, 1999 at ang kanyang huling assignment ay sa NCRPO Regional Holding and Accounting Unit at nadismis sa pagiging pulis noong July 2017.
- Latest