Paano aamin?
Dear Dr. Love,
Itago mo na lang po ako sa pangalang “Ginoo sa Anino.” Ako po ay 25-anyos, nagtatrabaho sa isang pribadong kompanya.
Maayos po ang trabaho ko, responsable naman ako sa bahay, at hindi ako naging sakit ng ulo ng magulang ko.
Pero may isang malaking sikreto ako na matagal ko nang kinikimkim: isa po akong bading.
Sa loob ng maraming taon, itinago ko ito sa likod ng “maayos na kilos,” “focus sa career,” at “wala pang oras sa love life.”
Pero sa totoo lang, matagal na po akong may tunay na minamahal – kapwa ko lalaki. Limang taon na kaming magkarelasyon pero ni minsan, hindi ko siya naipakilala sa pamilya ko, hindi ko man lang mabanggit ang tungkol sa kanya.
Ngayon po, mas lalo akong kinakabahan. Pilit na po akong ipinapa-arrange ng parents ko sa anak ng kaibigan nila.
Panay ang pahiwatig nila na gusto na nilang magka-apo, na sayang daw kung hindi ako mag-aasawa, lalo’t “buo naman ako’t guwapo.” Hindi nila alam na bawat salitang binitawan nila ay parang kutsilyong sumasaksak sa puso ko.
Dr. Love, hindi ko po alam kung paano aamin. Natatakot akong masaktan sila, baka itakwil nila ako.
Pero habang tumatagal, pakiramdam ko, ako ang unti-unting nawawala. Pagod na akong magkunwari.
Gusto ko lang pong mahalin at tanggapin kung sino talaga ako.
Ano po ba ang dapat kong gawin?
“Ginoo sa Anino”
Dear “Ginoo sa Anino,”
Ang Diyos ay katotohanan. At kapag itinago mo ang totoo sa puso mo, hindi mo lang pina-pahirapan ang sarili mo—pati ang plano ng Diyos sa buhay mo ay napipigilan.
Hindi mo kaila-ngang sumigaw para marinig; hindi mo kailangang maghimagsik para mapansin.
Pero kailangan mong maging tapat—sa sarili mo, sa magulang mo, at sa Diyos na may likha sa’yo nang buong pag-ibig.
Ang pag-amin ay hindi paglayo sa pa-milya, kundi paglapit sa mas malalim na pag-unawa.
Huwag kang matakot. Ang Diyos na naglalakad kasama ng mga sugatan at nahihirapan ay siya ring Diyos na makakasama mo sa paglalakad tungo sa katotohanan at kapayapaan.
Kasama mo ako sa panalangin na matamo mo ang kalayaan at katotohanan sa buhay mo.
DR. LOVE
- Latest