May Alzheimer si lolo
Dear Dr. Love,
Ako po si Nanay Lagring, 69 anyos at ang asawa kong si Botong ay 85 anyos na at nag-uulyani na.
Madalas siyang mawala at buti na lang at may nakakakita sa kanya at inihahatid siya sa bahay.
Kaya bantay sarado kami sa bahay para hindi siya lumabas. Takot kami na kung mawawala siya uli ay hindi na namin siya matagpuan.
Minsan, nagulat ako nang sabihin niyang puwede raw bang pumitas siya ng rosas sa garden namin at papanhik siya ng ligaw sa magandang anak na dalaga ng aming kapitbahay?
Akala niya binata siya at ako ang nanay niya.
Hindi ko magawang magalit dahil alam kong hindi na siya normal.
Ano dapat kong gawin?
Nanay Lagring
Dear Nanay Lagring,
Walang lunas ang pag-uulyani o Alzheimer’s disease. Sabi nga, mas masahol pa sila sa patay dahil problema ang dulot nila sa pamilya.
Hindi naman sila maaaring itakwil kaya dapat na lang silang unawain at mahalin. Masakit talaga para sa mga kaanak na hindi na sila nakikilala ng taong mahal nila.
Ang payo ko ay bantayan n’yo na lang siya ng mabuti at huwag pabayaang lumabas nang walang kasama.
Kung may ginagawa man siyang kakatwa, unawain siya ng may pagmamahal at huwag kailan man kainisan.
Dr. Love
- Latest