^

Dr. Love

Ilalaban pa ba, kung mag-isa na lang?

Dear Dr. Love, - Pilipino Star Ngayon

Dear Dr. Love,

Tawagin n’yo na lang po akong Carlos. Labing-limang taon na kaming kasal ng misis ko. Sa kabila ng hirap ng buhay, sabay naming nilabanan ang unos. Akala ko, sapat na ang lahat ng sakripisyo ko para sa pamilya.

Hanggang isang araw, napansin ko na nag-iba ang kilos niya. Palaging nakatutok sa cellphone, laging may meeting kuno, at malamig na ang pa-kikitungo sa akin. Gabi-gabi akong nagtatanong kung may mali ba sa akin? May pagkukulang ba akong nagawa?

Sa ‘di inaasahang pagkakataon, nahuli ko siyang may kasamang lalaki. Nakita ko mismo, Dr. Love. ‘Yung hawakan ng kamay, ‘yung titigan — ‘di mo masasabing kaibigan lang. Parang gumuho ang mundo ko. Ang mas masakit, inamin niya. Pero hindi siya nagsisi. Sabi niya, “napagod na akong intindihin ka. Sa kanya, nararamdaman kong importante ako.”

Pinili niyang umalis at sumama sa lalaki. Naiwan ako sa bahay, kasama ang aming dalawang anak na paulit-ulit na nagtatanong kung kailan uuwi si mama. Walang kasagutang hindi masakit. Paano ko ipapaliwanag sa kanila ang lahat?

Dr. Love, gusto ko sanang ayusin pa, para sa mga bata. Pero paano kung hindi na siya handang bumalik? Paano kung mas pinili na niya ang bagong buhay na wala kami? Tama pa bang ipaglaban ang pag-ibig kung ako na lang ang lumalaban?

Carlos

Dear Carlos,

Hindi madali ang maloko, lalo na kung taong buong puso mong minahal ang nagdudulot ng sakit dahil sa pagtataksil.

Ito ang tandaan mo, hindi mo kasalanan kung pinili ka niyang iwan. Sa isang relasyon, responsibilidad ng bawat isa ang pa-ngalagaan ang tiwala at katapatan. Kung may pagkukulang man sa inyong pagsasama, sana ay kinausap ka niya, hindi ‘yung magtataksil agad-agad.

Ngayon, ang tanong, dapat mo pa ba siyang ipaglaban? Minsan, ang pinakamagandang gawin ay tanggapin ang katotohanan—kahit masakit. Hindi mo kailangang ipilit ang sarili sa ayaw nang manatili. Ang dapat mong unahin ngayon ay ang sarili mo at ang mga anak mo na ikaw ang sandigan. Gawin mong lakas ang sakit.

Kung sakaling bumalik siya, dapat malinaw sa kanya na ang tiwala ay hindi basta-basta naibabalik. At kung hindi na siya babalik, patawarin mo hindi para sa kanya, kundi para sa sarili mong kapayapaan.

Araw-araw, kahit paunti-unti, piliin mong bumangon. Naniniwala akong malalampasan mo yan, dahil pinili mong magmahal muli ng tama, ng totoo, at sa tamang tao.

DR. LOVE

DR. LOVE

  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with