Hindi tanggap ng biyenan
Dear Dr. Love,
Gaya ng ibang baguhang mag-asawa na wala pang kapasidad na magsarili ng tirahan, kung kaya nakitira muna kami sa bahay ng aking biyenan.
Akala ko, ok lang talaga sa kanila na roon kami mag-stay.
Hindi ko agad namalayan na naiilang na pala ang biyenan kong lalaki na nandon kami sa kanilang bahay.
Dahil nga sa umpisa ay inakala kong ok lang at sa pagka-kampante ko ay lagi akong nagdadala ng mga officemates ko, doon kami nagkakasiyahan, nagkakantahan at nag-iinuman.
Hanggang sa nabigla na lang ako nang galit na galit na ang biyenan kong lalaki dahil sa ingay namin.
Hayun, nagsisigaw at kung anu-ano ang pinagsasabi. Hindi ko alam ang gagawin ko dahil nagkataon na wala noon ang aking asawa.
Napahiya ako at nagsiuwian na ang mga officemates ko. Kinabukasan pinaalis na kami ng biyenan kong lalaki.
Hindi raw ako marunong makisama, pinagbibigyan na nga raw kami pero abusado raw ako.
Iyak ako nang iyak noon. Nag-alsa balutan ako at sinabihan ko ang mister ko na roon na lang niya ako puntahan sa bahay ng aking mga magulang.
Hindi naman nagalit ang mister ko. Kinausap niya ang papa niya. ‘Yun lang, aminado naman ako sa pagkakamali ko.
Ang pinakamasakit na parte, noon ko naramdaman na hindi ako tanggap ng biyenan ko.
Lily
Dear Lily,
Huwag ka magpadalos-dalos ng pag-iisip, baka naman talagang naingayan lang ang biyenan mo noong gabing iyon.
Lalo na kung nagsisigawan pa kayo at nagtatawanan. Tapos nakita niya na nag-iinuman pa kayo.
Kung ako sa’yo, huwag ka nang magmarakulyo…sadyain mo ang bahay ng iyong biyean at humingi ka ng tawad sa nangyari para hindi na lumaki ang pro-blema ninyo sa isa’t isa.
Mahirap talaga ang nakikisama sa kapamilya. Kung mapag-iipunan ninyong makabili o makaupa muna, mas makakabuti. Dahil kung sarili ninyo ang bahay ay walang makikialam sa inyo.
DR. LOVE
- Latest