Pagod nang ipilit ang sarili
Dear Dr. Love,
Isang mapagpalang araw po sa inyo. May isang taon na po kaming magkarelasyon ng boyfriend ko. Puno ng lambingan at mga pa-ngarap ang bawat sandali. Pero nitong mga nakaraang buwan, ramdam ko na ang unti-unti niyang paglayo.
Naging maramdamin ako, aaminin ko. Minsan, sinilip ko ang cellphone niya habang natutulog, at doon ko nakita ang paulit-ulit na pagme-message ng isang babaeng kaopisina niya. Sobrang sweet nila sa chat, parang kami lang nung bago pa. Masakit. Pero hindi ko siya kinausap agad. Pinag-isipan ko munang mabuti.
Hanggang sa isang araw, inamin niya sa akin na “nalilito” raw siya sa nararamdaman niya. Na ayaw niya akong saktan pero gusto rin daw niyang hanapin muna ang sarili niya.
Dr. Love, ako ang kasama niya sa hirap, ako ang umintindi sa kanya noong wala pa siya, pero ngayon, parang ako na lang ang sobra ang kapit. Gusto ko siyang ipaglaban, pero ayoko namang ipilit ang sarili ko kung hindi na ako ang mahal niya.
Ano po ba ang dapat kong gawin?
Broken Hearted
Dear Broken Hearted,
Ang pag-ibig ay hindi pagsusugal — hindi mo kailangang ipaglaban ang isang taong hindi mo na alam kung ikaw pa ba ang premyo.
Oo, masakit pakawalan ang taong minahal mo, pero mas masakit manatili sa relasyong unti-unting lumalamig habang ikaw ay nagla-lagablab pa. Huwag mong hayaang kainin ka ng pag-asa na baka bumalik siya, habang unti-unting nauubos ang sarili mo.
Minsan, ang pinakamagandang gawin ay hindi ang hawakan, kundi ang bitawan — para pareho kayong makahanap ng linaw, kahit sa magkaibang landas.
Tandaan mo: ang tunay na nagmamahal, hindi ka iiwan.
DR. LOVE
- Latest