Darating din ang para sa’yo
Dear Dr. Love,
Ako po si “Tala,” 27 taong gulang. Gusto ko lang po ibuhos ang matagal ko nang kinikimkim.
Mahal ko siya. Pero hindi niya ako pinili. Anim na taon kaming magkaibigan. Sa bawat tagumpay niya, nandoon ako. Sa bawat luha, ako ang balikat niyang sandalan. Akala ko sapat na ‘yon para mapansin niya ako... hindi pala.
Nang dumating siya sa puntong handa na siyang magmahal, hindi na ako ang kailangan niya. Dr. Love, paano ba tatanggapin na minsan, kahit ikaw ang laging andyan, hindi pa rin ikaw ang pipiliin?
Kasi minsan, ang pinakamahirap na pagmamahal…’yung walang may alam, kundi ikaw lang.
Tala
Dear Tala,
Maraming salamat sa tiwala na ibahagi mo, ang sakit na pilit mong kinikimkim. Ang mga sugat na galing sa pag-ibig na hindi nasuklian ay tunay na masakit—lalo na kung ang taong minahal mo ay matagal mo nang pinangarap na mahalin ka rin.
Pero tandaan mo ito, ang hindi pagpili sa’yo ay hindi kabawasan ng iyong halaga. Ang pagmamahal ay hindi palaging may kapalit. Pero hindi ibig sabihin nito’y ikaw ay talo. Dahil sa bawat pag-ibig na ibinigay mo, natuto kang magmahal nang totoo. At ‘yan ang isang bagay na hindi kayang burahin ng kahit sinong hindi tumi-ngin sa’yong halaga.
Huwag mong ha-yaang maging batayan ng iyong kabuuan ang desisyong hindi ka pinili. Darating ang tamang panahon, ang tamang tao—na hindi mo kailangang habulin, hintayin, o tanungin kung mahal ka ba niya... dahil siya mismo ang pipili at lalaban para sa’yo.
Hanggang sa dumating ‘yon, mahalin mo muna ang sarili mo na kay tagal mo nang kinakalimutan.
Dr. Love
- Latest