Paano palalayain ang sarili?
Dear Dr. Love,
Ako po si Empie, 26 anyos, isang simpleng empleyado. May karelasyon po ako ngayon na sa unang tingin ay masasabi kong siya na sana — maalaga, mabait, at may pangarap sa buhay. Ngunit nitong mga nakaraang buwan, may nagbago sa kanya.
Bigla na lang siyang naging malamig. Hindi na siya gaya ng dati na araw-araw akong kinukumusta, nilalambing, at pinapasaya. Madalas niya akong sinasabihang “busy lang,” pero ramdam ko po, Dr. Love, na hindi na ako bahagi ng kanyang mundo.
Ayokong maging assuming, pero minsan ko na rin siyang nahuling may ka-chat na babae sa dis-oras ng gabi.
Nang tanungin ko, sabi niya kaibigan lang daw— at ako raw ang nagiging toxic dahil sa kakaisip. Pero paano po ba titigil ang puso ko sa pagdududa, kung bawat kilos niya ay may itinatagong lungkot?
Mahal ko po siya, Dr. Love, pero hindi ko na rin alam kung mahal pa ba niya ako. Paano ko po malalaman kung ako pa rin ang laman ng puso niya...o kung dapat ko nang palayain ang sarili ko sa sakit?
Empie
Dear Empie,
Kung mahal ka niya, hindi mo kailangang maghabol. Kung busy siya, hahanapan ka niya ng oras. At kung may itinatago siya, huwag mong tanggapin na “kaibigan lang” — dahil ang respeto, hindi nililihim. Hindi mo trabaho ang magma-kaawa sa taong hindi sigurado sa’yo. Ang puso, hindi pinapakyaw sa salitang “baka.”
Kapag hindi ka na pinapahalagahan, huwag mo na ring sayangin ang sarili mo. Itaas mo ang noo— dahil ang tunay na nagmamahal, hindi nagpaparamdam ng kulang.
Kung paulit-ulit kang nasasaktan sa katahimikan niya, baka panahon na para piliin mo ang sarili mo. Hindi ka itinaya para lang balewalain. Ang tunay na pagmamahal, hindi malabo—malinaw, tapat, at ramdam.
DR. LOVE
- Latest