I-audit na ang puso
Dear Dr. Love,
Magandang araw po sa inyo. Isa po akong college student na hirap nang intindihin ang nararamdaman ko. Tawagin n’yo na lang po akong Alden ng Accounting.
May nililigawan po akong girl mula sa ibang department. Maganda po siya, matalino at parang laging may sparkle ‘pag dumadaan sa hallway—tipong hindi mo talaga maiwasang tingnan.
Dahil gusto ko siyang mapalapit sa akin, palagi ko siyang pinapadalhan ng milk tea, sinasamahan papunta sa sakayan, minsan ginagastusan pa kahit wala na sa budget. Hindi ako nagrereklamo noon, kasi gusto ko siyang mapasaya.
Pero nitong mga huli, napapansin ko po, ako na lang ang effort nang effort. Hindi siya nagpapakita ng interes, hindi man lang nagtatanong kung kumain na ako, o kung okay lang ba ako.
Sabi pa ng mga kaibigan ko, baka raw hindi naman talaga ako gusto ni girl, baka ginagamit lang ako para sa libre.
Ang masakit pa, minsan naririnig kong binabanggit niya ako sa iba na parang joke lang—“ ‘yung taga-accounting na laging may pa-milk tea.”
Ngayon po, paubos na allowance ko, pero wala pa rin akong napapala sa feelings ko. Hindi ko po alam kung tanga lang ako o nagmamahal lang talaga.
Gusto ko nang itigil ang ligawan, pero parang may bahagi sa akin na umaasang baka magbago siya.
Alden ng Accounting
Dear Alden ng Accounting,
Una sa lahat, salamat sa katapatan mo. Bihira ang mga kabataang gaya mo na han-dang ibahagi ang damdamin, kahit pa may kasamang sakit at pagkalito.
Pero ngayon pa lang sasabihin ko na… hindi ka tanga — nagmahal ka lang. At sa panahong ito, sa rami ng nagpapanggap at naglalaro ng damdamin, ang magmahal nang totoo ay hindi kahinaan, kundi katapangan.
Ngunit, anak ang pagmamahal ay hindi dapat maging isang “one-way ticket” kung saan ikaw lang ang gumagastos, nag-i-effort, at nasasaktan. Ang tunay na pagmamahal ay hindi la-ging sukli ng materyal na bagay, kundi ng malasakit, respeto, at pagpapahalaga.
Aba’y hindi iyan pag-ibig — iwasan mong maging delivery service ng damda-ming hindi naman tinatanggap.
Ang mga kaibigan mo, baka may punto rin. Minsan kasi, sa sobrang pagtingin natin sa isang tao, hindi na natin napapansin kung nasasaktan na tayo.
Kaya tanungin mo ang sarili mo, “Masaya pa ba ako?”
Kung ang sagot ay hindi, baka oras na para i-audit ang puso mo — tulad ng ginagawa mo sa accounting.
Kung hindi siya asset sa buhay mo, at tila liability na lang sa damdamin mo, baka kailangan mo na siyang i-write off.
Piliin mo ang sarili mo. Ilaan mo ang allowance mo sa mga bagay na magpapalago sa’yo — hindi sa mga bagay (o tao) na paulit-ulit lang na “wala namang kwenta” sa dulo.
DR. LOVE
- Latest