Inaaba noon, naging mayaman na ngayon
Dear Dr. Love,
Sana’y maging inspirasyon ang kasaysayan ko sa ibang tao para magpunyagi at iangat ang sarili mula sa karalitaan.
Tawagin mo na lang akong Oscar, 31 anyos.
Palibhasa’y taong lansangan ako noon na nabubuhay sa pamumulot basura, hindi ako makapanligaw dahil ramdam ko na pinagtatawanan ako at nilalait ng mga babae.
Hindi ako taong grasa pero dahil puro libag ang aking katawan at marumi’t punit ang aking damit, akala nila ay may sayad ako.
Sa pamumulot ko ng kalakal, isang lumang bag ang natagpuan ko.
Nang halungkatin ko ang loob, may singsing na tingin ko’y mamahalin. May ID rin ng isang senior citizen ang naroon kaya tinunton ko ang bahay ng may ari.
Natuwa ang may-ari nang isauli ko ang singsing. Napakayaman niya at inalok akong tumira sa malaki niyang mansion.
Teenager lang ako noon at ni hindi nakapagtapos ng high school. Pinag-aral ako ng matandang biyuda hanggang makapagtapos ng business administration.
Itinuring akong anak at nang mamatay, ang ikaapat na bahagi ng kanyang yaman ay ipinamana sa akin at ang iba ay sa kanyang mga anak na nasa abroad nang lahat.
Ngayon, ang mga dating nagtatawa sa akin ay tila gusto akong maging boyfriend pero may asawa at anak na ako.
Salamat sa pagpapaunlak at God bless.
Oscar
Dear Oscar,
Pinagpala ka ng Diyos dahil sa pagiging tapat mo at pagkakaroon ng mabuting puso.
Kung ginusto mo, puwede mo namang hindi na isinauli ang singsing na napilot mo. Pero may layuning mabuti ang Diyos.
Dahil isinauli mo ang singsing, nakilala mo ang taong ginamit ng Diyos upang pagpalain ka.
Dr. Love
- Latest