Mahal pa rin ang ex-gf
Dear Dr. Love,
Ako po si Manuel. May minahal akong babae, sobra! Siya ‘yung tipo ng taong kaya kong ipaglaban, ipagsigawan, at ipagdasal araw-araw.
Naging kami—at sa panahong iyon, akala ko siya na talaga. Pero dumating sa punto na kinailangan kong magpaalam.
Hindi dahil hindi ko na siya mahal, kundi dahil parang hindi na kami tumutugma sa isa’t isa. Naging masalimuot, masakit, at magulo.
Ngayon, may bago na akong kasama sa buhay. Mabait siya, maalaga, at wala akong masabi sa kabutihang ipinapakita niya.
Pero heto ang katotohanan—mahal ko pa rin ang dati kong girlfriend.
Alam kong mali. Alam kong unfair sa bagong kasama ko. Pero hindi ko mapigilan ang sarili kong maalala ang dating kami.
Ang mga simpleng tawa, yakap, at plano naming sabay na harapin ang mundo.
Mas lalong sumasakit ang katotohanang may bago na rin siyang minamahal.
Nakikita ko siyang masaya. Hindi na niya ako kailangan. At alam kong kahit anong pilit ko, hindi na kami muling babalik sa dati.
Hindi ko hinihinging bumalik siya. Gusto ko lang matutong magpatawad—hindi lang sa kanya, kundi sa sarili ko.
At sana, matutong magpaalam nang buo—hindi ‘yung may natitirang tanong na “paano kung...” sa puso.
Manuel
Dear Manuel,
Una sa lahat, salamat sa katapatan ng iyong puso. Hindi madali ang amining may iniwan ka pang damdamin sa nakaraan, lalo na kung may taong kasalukuyang umaalalay at nagmamahal sa’yo ngayon.
Totoong hindi natin basta-basta nakakalimutan ang taong minahal natin nang totoo. Lalo na kung sa puso mo, parang may kulang pa—mga tanong na hindi nasagot, mga alaala na ayaw maglaho, at mga damdaming nananatili kahit wala na siya.
Pero kaibigan, sa pag-ibig, hindi sapat ang “mahal ko pa siya.”
Kailangan mo ring tanungin ang sarili mo: “Handa ba akong pakawalan ang isang bagay na tapos na para yakapin ang kasalukuyan?” Dahil habang nakakapit ka sa alaala ng kahapon, hindi mo mabibigyan ng buong puwang ang taong nariyan para sa’yo ngayon.
At higit sa lahat, hindi mo rin matutulungang buuin ang sarili mong puso.
Kung tunay mong pinapahalagahan ang taong kasama mo ngayon, bigyan mo siya ng pag-ibig na buo, hindi kalahati.
At kung hindi mo pa kayang ibigay ‘yon, maging tapat ka. Dahil walang sinuman ang dapat mahalin ng may kasamang anino ng nakaraan.
Ang paglimot ay hindi madali. Pero ang paghilom ay posible—kapag natutunan mong patawarin ang sarili mo, tanggapin ang nangyari, at piliing magmahal muli…ng buo.
DR. LOVE
- Latest