Isinumpa ng magulang
Dear Dr. Love
Tama po ba, Dr. Love na isumpa ka ng sarili mong ina na gagapang na parang ahas dahil lang sa isang pagkakamali?
Bago po mamatay ang aking tatang, siya’y isa nang paralitiko kaya ang nagmamando ng lahat sa bahay ay si inang.
Siya ang bumubuhay sa aming maliit na pamilya at nagpapaaral sa akin. Ayaw niya muna akong mag-asawa dahil gusto niyang guminhawa ang buhay ko, kaya tapusin ko raw ang kurso ko.
Pero high school pa lang ako ay nakipagtanan na ako sa aking boyfriend.
Nasabay pa ito sa tuluyang pagkamatay ni tatang kaya sobrang nagdalamhati si inang at sa bigat na dinala niyang problema ay isinumpa niya na ako at ang aking napangasawa ay gagapang sa kahirapan.
Two years na ang lumipas. Sa unang pagbubuntis ko, patay nang isilang ko ang sanggol. Ito kaya’y epekto ng sumpa?
Ano ang gagawin ko?
Cristina
Dear Cristina,
Balikan mo ang nanay mo at humingi kayo ng tawad.
Talagang masakit sa loob niya na nilabag mo ang kagustuhan niyang magtapos ka ng pag-aaral.
Lahat ng magulang ay hinahangad ang kabutihan ng anak.
Naniniwala akong ang ina ay hindi puwedeng tiisin ang anak, kaya patatawarin ka niya.
Kung may nasabi man siya na isinusumpa ka.
Ito’y dahil lamang pinagdiliman siya ng isip.
Ngayo’y nag-iisa na siya dahil wala na ang iyong ama.
Tiyak kong ha-hanapin niyang muli ang pagsasama ninyo kahit kasama pa ang lalaking napangasawa mo.
Dr. Love
- Latest