Sinolo ang responsibilidad
Dear Dr. Love,
Pangalawang panganay ako sa sampung magkakapatid. Tawagin mo na lang akong Loraine, 43 anyos at dalaga pa.
Patay na pareho ang aming ama at ina kaya ako ang solong bumalikat sa mga responsibilidad, gaya ng pagpapaaral sa aking mga nakababatang kapatid.
Ang panganay kasi namin na si Ate Lagring ay nag-asawa agad at namatay sa panganganak. Salamat sa Diyois at may maganda akong trabaho kahit college dropout ako ang inabot.
May isa pa akong kapatid na pinapaaral. ‘Yung ibang nakatapos na, malungkot man ay ay nagsipag-asawa na lahat. Hindi man lang nila ako tinulungan sa matrikula ng isa ko pang kapatid.
Talagang nakakalungkot dahil mukhang mamamatay na akong matandang dalaga. Sa pakiwari ko ay nalipasan na ako ng panahon at tuluyan nang nawalan ng pagkakataon para maranasang ligawan at may magkaroon ng love life.
Iniisip ko ngayon kung ano ang kahihinatnan ko kung ako’y matandang matanda na?
Loraine
Dear Loraine,
May pagkukulang ka rin kasi. Dapat, maaga pa ay kinausap mo na ang iba mong kapatid na kapag nakatapos sila at may trabaho na, sasagutin nila ang pag-aaral ng mga nakababata ninyong kapatid. Bakit sinolo mo ang responsibilidad?
Pero nandiyan na iyan. Sana, sa pagtanda mo ay isa man lang sa kanila ang tumanaw ng utang na loob at lingapin ka.Mas mabuti sana kung sa kabila ng iyong edad ay makapangasawa ka para may magiging katuwang ka sa buhay.
Dr. Love
- Latest