Binabalikan ng ex
Dear Dr. Love,
Isang taon na akong may asawa, wala pang anak. Nagkalayo kami ng dati kong boyfriend at hindi ko alam ang dahilan. Nawala na lang siya na parang bula nang hindi nagpapaalam sa akin. Dahil mahigit sa isang taon siyang nawala, nakipag-boyfriend ako sa iba at makalipas ang limang buwan ay ikinasal kami ng bago kong boyfriend.
Mahal ko ang aking ex at dinamdam ko ang kanyang pagkawala. Nang makilala ko ang naging asawa ko ay nalimutan ko na ang sakit na iniwan ng dati kong boyfriend.
Pero nagulat na lang ako nang muli siyang magparamdam sa pamamagitan ng text message. Humihingi siya ng sorry. Pinatawad ko naman siya pero nagpipilit siyang magkita kami kahit sinabi kong may asawa na ako.
Kung makipagkita ako sa kanya for the last time para maging pormal ang aming break up at hindi na niya ako gambalain pa, tama kayang hakbang ito?
Edna
Dear Edna,
Tinutukso ka ng ex mo na may malaking tsansang maging dahilan para magkasala ka sa iyong asawa. Kung makikipagkita ka sa kanya, nagtagumpay siya sa unang hakbang.
Kapag magkaharap na kayo, malamang digahan ka niya at tuksuhing buhayin ang inyong naunsiyaming relasyon. Mas mabuting huwag ka nang makipagkita pa sa kanya.
Ikaw na rin ang nagsabi na nalimutan mo na siya nang makilala mo ang iyong asawa, kaya huwag mo nang papayagang magningas muli ang pag-ibig mo sa iyong dating nobyo.
Pero kung magpupumilit pa rin siya, magtapat ka sa iyong asawa.
Sige, pagbigyan mo siya pero sa inyong pagtatagpo, isama mo ang iyong mister para matatak sa isip niya na wala na siyang pag-asang magkabalikan pa kayo.
Tiyak ko na matutuwa pa ang iyong mister dahil ang gagawin mo ay tanda ng iyong katapatan sa kanya.
Dr. Love
- Latest