Bagay ba kami?
(Pilipino Star Ngayon) - December 6, 2019 - 12:00am

Dear Dr. Love,

May limang taon na ang nakakalipas, nangasera ako sa bahay ng kumpare ng nanay kong si Aling Ising. Tawagin mo na lang akong Lara, 28-anyos at isang single mother.  Saleslady ako noon sa isang mall at kapag pumapasok ako sa trabaho, si Aling Ising pa ang nag-aalaga sa anak kong 3 years old lang noon. Nakagiliwan kasi ni Aling Ising ang anak kong si Iris. Nahihiya ako at gusto kong kumuha ng yaya pero mapilit si Aling Ising na siya na ang mag-alaga sa anak ko.

May anak na lalaki si Aling Ising na 18 years old noon at nag-aaral sa kolehiyo. Nanligaw siya sa akin pero ang payo ko, magtapos siya ng pag-aaral at saka na namin pag-usapan ito. Mabait na bata si Lando at itinuring ko siyang ‘di lamang kaibigan kundi kapatid.

Makalipas lang ang sampung buwan, nagtrabaho ako sa ibang bansa at iginiit ni Aling Ising na siya ang mag-alaga ng aking anak habang nasa ibang bansa ako. Halos limang taon akong diretsong nagtrabaho sa Dubai dahil gusto kong makaipon para sa future namin ng anak ko. Nakatapos ng kursong civil engineering si Lando habang nasa abroad ako. Nabalitaan kong nasa top ten siya ng mga nakapasa sa board exam. Malaking halaga rin ang naimpok ko kaya nagpasya akong tumigil na sa trabaho at bumalik ng Pilipinas at magsimula ng isang negosyo.

Nagulat ako ng sabihin ni Lando na hindi siya nag-girlfriend dahil hinintay niya ako. Sabi niya, wala ring tutol si Aling Ising kung maging kami. Pero hindi ko matiyak ang damdamin ko. Malaki ang agwat ng edad namin at tila hindi kami bagay.

Pagpayuhan po ninyo ako.

Lara

Dear Lara,

Walang problema sa edad. Kahit mas matanda ang babae sa lalaki ay ayos lang basta’t love n’yo ang isa’t isa. 

Ang mahalaga ay tiyakin mo munang mabuti kung mahal mo si Lando para walang pagsisisi pagdating ng araw. Sa tingin ko, mahal ka talaga ni Lando dahil nagtiyaga siya na walang kasintahan sa loob ng limang taon para hintayin ka.

Kaya ang desisyon ay nasa sa iyo pero ito’y kailangan mong pag-isipan ng mabuti. Kung ako ang tatanungin, very qualified naman si Lando na maging asawa mo. Tapat magmahal at isa ng civil engineer.

Dr. Love

DR LOVE
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with