Makatang talisuyo
(Pilipino Star Ngayon) - October 13, 2019 - 12:00am

Dear Dr. Love,

Mapagpalang pagpupugay sa iyo. Tawagin mo na lang akong Martee, 21-anyos. Ako po ay graduating student ng kursong AB literature at nasa puso ko ang pagkatha ng mga tula sa wikang Pilipino at Ingles.

Sa pamantayan ng tao, lalo na ng mga babaeng mahilig tumitig sa kagandahang panlabas, ako ay masasabing salat sa kagandahan. Sa prangkang pananalita, ako ay pangit. I’m five foot three in height, maitim ang balat at may kalakihan ang ipin.

Sa kabila nito, nilinang ko ang aking talento sa pagkatha ng mga English poems at ako po ang editor in Chief ng aming school paper. Maraming humahanga sa aking kakayahang sumulat, pero hanggang doon lang. Sino ba namang babae ang papatol sa tulad kong pangit?

Minsan ay may niligawan ako. Ordinaryo lang ang ganda niya at morena ang kutis. Isa rin siya sa matatalinong estudyante sa aming pamantasan. May tatlong araw kong binuo ang aking love letter sa pag-asang masusungkit ko ang dilag na aking pinipithaya.

Ngunit para akong pinagsakluban ng langit at lupa nang tanggapin ko ang kanyang liham. Ewan ko kung totoo ang sinasabi niya o gumawa lang siya ng dahilan para tanggihan niya ang isang pangit na talisuyo. Sabi niya, may boyfriend na siya at takda na silang ikasal matapos ang graduation sa susunod na taon. 

I am so despondent and broken at parang nawalan ako ng gana sa pagsulat. Ano po ang dapat kong gawin?

Martee

Dear Martee,

Kay daming taong “pangit” sa paningin ng mundo ngunit nakapag-asawa ng mga babaeng mala-beauty queen ang ganda. Huwag hayaan ang mga kasawian ng puso na maging hadlang sa pagsusulong ng iyong taglay na talento sa pagsulat. Ang kakayahan mong iyan ang maghahatid sa iyo sa tugatog ng tagumpay.

Kapag naging successful ka na at nakagawa ng malaking pangalan, tiyak na tiyak ko na ikaw na ang magiging pihikan sa pagpili ng babaeng mamahalin mo. 

Ang anyong panlabas ay kumukupas sa panahong lumilipas. Pero ang talento ng kaisipan, lalo na ang pagsulat ay bagay na hindi mananakaw sa iyo. Magpasalamat ka na biniyayaan ka ng Diyos ng ganyang abilidad na hindi taglay ng marami.

Dr. Love

 

 

 

 

 

 

 

 

TALISUYO
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with