Ano mali?
(Pilipino Star Ngayon) - July 13, 2019 - 12:00am

Dear Dr. Love,

Limang taon nang naglilingkod ng buong katapatan ang mister kong si Gardo bilang property custodian sa isang kompanya. Pero sa kabila nito, nadawit siya sa isang anomalya na wala naman siyang kinalaman kaya natanggal siya sa trabaho.

Tawagin mo na lang akong Selma, 45-anyos at may dalawang anak. Magmula nang maalis sa kanyang pinagtatrabahuhan si Gardo, hindi na siya katulad ng dati na mahinahon at mapagmahal. Laging mainit ang kanyang ulo.

Bagama’t nakapasok agad siya sa ibang trabaho na kaparehas din ang suweldo, madalas ko siyang marinig sa kanyang pag-iisa na nagsasabing: “Ano mali? Ano mali sa ginawa ko?” Mahal kasi ni Gardo ang trabaho niya at kahit may pang-uudyok na gumawa siya ng katiwalian ay hindi niya ito ginawa kahit minsan.

Pero isang gabi’y may naganap na panloloob sa bodega na ikinawala ng mga supplies na nagkakahalaga ng P200 thousand. Napagbintangan siyang kasabwat. Inalis na lang siya sa tungkulin pero hindi kinasuhan.

Isang taon na sa bago niyang trabaho si Gardo at kapo-promote lang sa puwestong tulad ng kanyang iniwanan na property custodian. Mas malaki pa nga ng fifty percent ang sahod niya ngayon kaysa dati, pero hindi na nagbalik ang dating siya.

Ano po ang gagawin ko para bumalik ang dating kabaitan niya?

Selma

Dear Selma,

Kailangan ni Gardo ang pang-unawa at motibasyon lalu na mula sa’yo na kalimutan na ang nakaraan. Natural sa isang taong naglingkod nang tapat sa mahabang panahon na magtanim ng galit kung siya ay maparatangan sa isang krimen na hindi naman niya ginawa. Marahil, hindi niya nakikita na ang bagong trabaho niya ngayon ay vindication para sa kanya. Ikaw, Selma ang magpapaunawa sa kanya nito. 

Isang taon pa lang naman ang lumipas. Naniniwala ako na kung gagawin mo ang dapat gawin, mawawala rin ang taglay niyang galit sa takdang panahon.

Dr. Love

DR. LOVE
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with