Kasusuklaman ba si Inay?
Dear Dr. Love (Pilipino Star Ngayon) - June 1, 2019 - 12:00am

Dear Dr. Love,

Tawagin mo na lang akong Irma, 20 years old at katatapos ko lang ng kursong accountancy sa pagtataguyod ng nanay ko na isang single parent. Tanging ang grocery na itinayo niyang mag-isa ang sumustento sa aming pangangailangan. Buti na lang at nag-iisa akong anak.

May boyfriend ako na nakipag-break sa akin dahil may madilim daw na nakaraan ang ina ko, isang bagay na hindi ko alam. Nabigla ako sa sinabi niya na kilala raw ng kanyang ama ang aking ina na isa raw first class prostitute. Inaway ko ang boyfriend ko dahil sa sinabi niya. Pero nang usisain ko ang nanay ko, inamin niya na totoo ang nalaman ko mula sa aking boyfriend.

Hindi ko alam ang magiging reaksyon ko. Sabi ng nanay ko, nagawa lang niya iyon dahil gusto niyang mabigyan ako ng magandang kinabukasan dahil isa siyang rape victim at ako ang naging bunga ng kalapastanganang ‘yun. Namatay na sa kulungan ang tatay ko, bagay na ngayon ko lang nalaman.

Maganda si Inay kaya ipinasiya niyang ikalakal ang sarili. Pero isang taon lang daw niya ginawa ‘yun at nang makaipon siya ng malaking halaga ng salapi ay nagtayo siya ng tindahan na lumaki nang lumaki hanggang maging isang convenient store. Nauunawaan ko ang aking ina pero dapat ba niyang gawin ‘yun? 

Dapat ko ba siyang kasuklaman dahil sa stigma na nilikha niya sa buhay ko? Pagpayuhan mo po ako.

Irma

Dear Irma,

Dakila ang iyong ina. Kung sa iba nangyari ang karanasan niya, malamang inilaglag na ang batang dala sa kanyang sinapupunan. Dapat, kinasuklaman ka niya dahil bunga ka ng paglapastangan sa kanyang dangal. Hindi niya ginawa ‘yun. Bagkus minahal ka niya at pinaghandaan pa ang maganda mong kinabukasan.

Tungkol sa iyong boyfriend, huwag mo siyang panghinayangan dahil wala siyang kuwentang tao. Dahil lang sa madilim na nakaraan ng nanay mo, tatalikuran ka niya? Hindi totoong pag-ibig iyan.

Mahalin mo ang iyong ina dahil kahit ikaw ay hindi mo kayang tumbasan ang kabutihang ibinigay niya sa’yo. Ngayong tapos ka na ng pag-aaral, maghanapbuhay ka at gumanti sa kabutihang-loob ng iyong ina.

Dr. Love

 

DR. LOVE
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with