Panakip-butas
Dear Dr. Love (Pilipino Star Ngayon) - March 29, 2019 - 12:00am

Dear Dr.  Love,

Mahirap pala talagang maging panakip butas. Nang iwanan si Ana (Hindi niya tunay na pangalan) ng kanyang asawa ako na ang tumulong sa kanya para maiangat ang kanilang kabuhayan.

Maliit pa ang kanyang dalawang anak nang iwan siya ng kanyang asawa. Ang totoo hindi ako isang lalaki. Tibo ako.

Best ko si Ana kaya close kami pati na ng kanyang asawa. Pero lumayo na ako sa kanila dahil baka makaistorbo ako sa kanilang pagsasama.

Ang totoo may amats na talaga ako sa kanya kahit magkakaibigan pa lang kami.

Nilihim ko ito sa kanila dahil alam kong wala akong panama sa naging asawa niyang si Dudes (Hindi rin niya tunay na pangalan). Bukod sa gwapo, may kaya pa.

Kaya kaysa makipag-unahan ako sa kanya, minarapat ko na lang manahimik at manatiling umaalalay kay Ana.

Nagkahiwalay sila dahil nambabae itong si Dudes. Hanggang palayasin na siya ni Ana sa bahay na kanilang inuupahan.

Naawa ako kay Ana at sa kanyang mga anak kaya sinalo ko ang mga gastusin at iba pang mga pangangailangan nila. Pati na ang pang-eskwela ng mga bata. Apat na taon din kaming nagkaigihan ni Ana. Tumayo ako bilang ama-amahan ng kanyang mga anak.

Pero hindi ko maiwasang malungkot at mangamba kapag binabanggit ni Ana na gustong makipagbalikan ng kanyang asawang si Dudes.

Parang ayokong mangyari na magkabalikan pa sila dahil mahal na mahal ko si Ana. Ngunit hindi ko maipipilit sa kanya na mahalin ako tulad ng pagmamahal niya sa kanyang asawa, na minsan na siyang niloko.   

Balak ko na sanang lumayo sa kanya at magpaalam pero hindi ko magawa. Hanggang sa nakita kong nasa bahay na muli ang kanyang asawa at ito na siguro ang panahon na dapat akong dumistansiya. 

Mar

Dear Mar,

Masakit man sa kalooban mo ang iyong sitwasyon ngayon pero hanga ako sa ginawa mo. Hindi mo iniwan ang iyong minamahal. Kahit na bilang isang kaibigan, sapat na ang iyong ginawa. Paano pa kung naging “tunay” na daig mo si Dudes bukod sa laan mong tapat na pagmamahal kay Ana. Tama ka, hindi mo hawak ang desisyon at damdamin ni Ana. Kung mahal pa rin niya ang kanyang asawa, talagang wala ka nang ilulugar sa kanya.

Tandaan mo, hindi nasayang ang iyong malasakit kay Ana kahit ito ay naging panandalian lamang.

Huwag mong kakalimutan na kaibigan mo pa rin si Ana at mainam na patuloy ka pa ring umalalay sa kanya.

Maraming salamat sa iyong pagbabahagi.

Dr. Love

DR. LOVE
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with