^

Mapaglaro sa pag-ibig

(Pilipino Star Ngayon) - May 5, 2017 - 12:00am

Dear Dr. Love,

 

Itago mo na lang ako sa alias na Wildflower.  Naglakas-loob akong sumulat sa iyo para humingi ng payo sa aking problema. Sana ay maunawaan mo ako at huwag sumbatan sa aking pagiging mapaglaro sa pag-ibig.

Didiretsahin ko na. Mayroon akong tatlong kasintahan at wala akong itulak-kabigin. Tawagin mo na lang sila sa alias na Jun, Peter at Joey. Pare-pareho silang matimbang sa akin dahil lahat sila’y nagtataglay ng katangiang hanap ko sa lalaki. 

Karelasyon ko na si Joey nang makilala ko si Peter. Naging magkasintahan din kami. Sa debut naman ng  aking kaibigan, nakilala ko si Jun. Nagkaroon din kami ng romantic link ‘di katagalan.  Nung una ay hindi ako seryoso. Pero habang nagtatagal, damdam ko po ay mahal na mahal ko ang bawat isa sa kanila. May takdang araw ang bawat isa sa kanila sa aming pagdi-date.

Ngunit nag-aalala ako na baka ako mabuking pagdating ng araw at lahat sila’y mawala sa akin.

Naguguluhan ako ngayon. Anong gagawin ko?

Wildflower

Dear Wildflower,

Gusto man kitang unawain, tulad nang hinihingi mo ay hirap akong gawin. Ano ba iyan? Hindi ka lang namamangka sa dalawa kundi tatlong ilog pa. Isipin mo na lang ito. Tiyak, hindi magtatagal at magka­kabistuhan sila. Hindi mo puwedeng itago iyan nang matagal. Malalantad at malalantad, at kapag nangyari iyan, ikaw ang lalabas na kahiya-hiya.

Kung palagay mo ay hindi mo puwedeng i-break ang sino man sa kanila, sabay-sabay mo rin silang kalimutan para hindi maturete ang ulo mo.

 Sabi mo biru-biro lang nung una. Iyan ang napala mo. Naging totoo ang damdamin mo at ikaw ngayon ay confused.  Ayusin mo ang buhay mo habang maaga.

Dr. Love

 

DR LOVE
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with