Magagalit kaya si Dodong?
Rosalinda L. Orosa (Pilipino Star Ngayon) - March 29, 2015 - 12:00am

Dear Dr. Love,

May dalawang taon na akong nakikipag-live in sa boyfriend ko. Wala naman akong problema tungkol sa estado ko sa puso ni Dodong dahil nararamdaman ko naman na talagang mahal niya ako. Ganon din naman po ako sa kanya, nga lang sa katagalan ay nagiging makwenta siya masyado sa aming gastusin sa bahay.

Masinop naman po ako sa paglalaan ng pinagsamang kita namin para sa lahat ng panga­ngailangan sa aming bahay: pagkain, mga baya­ring bills, tubig, kuryente, telepono, cable television at iba pa.

Nitong huli ay sobra ang ibinigay ni Dodong para sa aming budget at na-touch ako dahil gusto niya palang kunin ko ang sobra para makabili ng bagong damit at sapatos para sa darating kong birthday sa Oktubre. Hindi ko po sukat-akalain na natandaan niya ang damit na nagustuhan ko nang minsang mag-window shopping kami at sinabi niya na bilhin ko na raw iyon.

Pero hindi po doon napunta ang pera. Dahil nang makapag-mall ako nakursunadahan ko ang mga sale na bedsheet na siyang binili ko. Ang pangam­ba ko po ay baka hanapin ni Dodong ang damit at sapatos. Pero magagawa ko naman po maibili ang sarili ko ng mga yun mula sa aking extrang pera.

Dapat ko po bang ipagtapat sa kanya ang tungkol doon? Pagpayuhan po ninyo ako dahil hindi ko gustong maging ugat iyon ng hindi namin pagkakaunawaan.

Maraming salamat po.

Gumagalang,

Nikki

Dear Nikki,

Kung magtatanong siya, dapat kang magsabi ng totoo. Sa palagay ko, kung talagang mahal ka niya at inaalala ka niya, hindi niya ikakagalit ang tungkol sa paglalaan mo sa iba ng regalo niyang pang-shopping. Regalo na niya ‘yun sa’yo eh. Kaya nasa sa’yo kung paano mo ‘yun gagamitin.

Isa pa, kung ako si Dodong ay matutuwa rin ako dahil bukod sa napasaya kita dahil nakabili ka ng bagay na nagustuhan mo, ang bedsheet ay para sa ating dalawa. Ibig sabihin, inalala mo pa rin ako.

Kaya huwag kang mag-worry. Nakakapangit ang sobrang alalahanin.

DR. LOVE

AKO DAHIL DEAR NIKKI DODONG DR. LOVE KAYA NIYA PERO
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with